Mga Mata sa butas (Ika-28 labas)

(Batay sa kasaysayan ni Pepe ng Riyadh, KSA)

NASIMULAN ko na rin lang ang pagtulong kay Mely ay bakit hindi ko rin gawin sa iba pang kababayan. Tama si Mely kung siya ay aking natulungan, bakit hindi rin si Pacita na mas matindi pala ang naranasan kaysa kanya. Si Pacita batay sa ikinuwento sa akin ni Mely isang araw bago na-repatriate ay maraming beses nang na-rape hindi lamang ng amo nito kundi pati ng anak at kabarkada nito. Gimbal ako sa ipinagtapat ni Mely.

"Paano nangyari?" tanong ko.

"Si Pacita na lang ang magkuwento sa’yo Pepe. Sinabi ko sa kanya kagabi na ikaw ang tutulong habang narito pa siya sa embassy. Umiyak siya nang umiyak kagabi nang malamang paalis na ako."

"Wala ba siyang ibang matatawagang kamag-anak na narito rin sa Saudi?"

"Wala raw."

"Kawawa naman."

"Kaya nga ang pakiusap ko sa’yo Pepe, ikaw na ang bahala sa kanya. Kung natulungan mo ako, maaari mo rin siyang tulungan, di ba?"

"Asawa meron ba siya?"

"Ayaw niya akong sagutin. Siguro’y matindi ang naranasan kaya ayaw magkuwento ng buhay niya."

Iyon ang huling pag-uusap namin ni Mely at na-repatriate na nga siya. Nakapangako ako sa kanya na tutulungan si Pacita. At ganoon nga ang ginawa ko.

Nang sumunod na Biyernes, wala kaming pasok, ay nagtungo ako sa embassy para dalawin si Pacita. Sa totoo lang, ibig kong magpahinga ng araw na iyon sapagkat ilang linggo na ring naokupa ang aking panahon nang pagtulong kay Mely. Pero hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit napilit ko ang aking sarili na magtungo sa embassy.

Pasado alas-diyes ako dumating sa embassy. Nagdala ako ng pandesal at karne norte para kay Pacita. Bagamat pinakakain sa embassy ang mga takas na DH, nagsiguro na ako. Kawawa naman si Pacita kung wala man lang makain doon.

Hinanap ko si Pacita. Nakita ko siyang nakaupo sa may malapit sa hagdan. Tinawag ko. Nagulat. Pero nabawi rin ang pagkagulat at ngumiti sa akin. Iniabot ko ang pandesal at karne norte.

"Kumusta Pacita?"

"Wala pang magandang balita, Pepe…" malungkot na sagot. (Itutuloy)

Show comments