HAHABOL sa kasal namin ni Ninang Joy ang kaibigan at kasamahan ko sa trabahong si Joey. May aayusin lamang daw siyang mahalagang trabaho. Pero hindi na abay ang papel niya kundi ninong.
"Darating ako sa kasal nyo," sabi ni Joey. Siya ang naghatid sa amin sa King Khaled International Airport.
"Hintayin ka namin ni Ninang, Ninong" sabi ko. Nagtawa si Joey.
Habang nasa eroplano ay patuloy naming pinaplantsa ni Ninang ang tungkol sa aming kasal ni Ninang. Kailangang nasa ayos ang lahat sa espesyal na araw na iyon.
"Sabay ba tayong magpapakita sa inyo Eric?"
"Aba hindi."
"E saan ako uuwi paggaling sa airport? Ayaw kong umuwi sa amin sa San Pablo."
"Itutuloy muna kita sa five star hotel sa Makati."
"Baka naman maburyong ako roon?"
"Hindi."
"Kailan ako pupunta sa bahay nyo?
"Kinabukasan."
"Puwede mo akong sunduin sa hotel?"
"E di magtataka sina Mama."
"Ay oo nga."
"Basta sumulpot ka sa bahay at tapos na ang kuwento."
"Sige."
Ganoon ang nangyari. Dinala ko sa isang five star hotel si Ninang. Kumuha kami ng isang suite.
"Hintayin kita bukas sa bahay. Alas nuwebe ng umaga."
"Darating ako." (Itutuloy)