Ninang Joy (Ika-63 labas)

(Batay sa kasaysayan ni ERIC ng Riyadh, KSA)

TUMINDI ang nararamdaman kong pananakit ng katawan. Trangkaso yata ang tatama sa akin. Nawalan na ako ng boses dahil sa sore throat. Iyon ang isang problema ko kapag sumasapit ang taglamig sa Saudi. Mahina ako sa lamig.

Binilisan ko ang pagpapatakbo para makarating sa Naseem. Natatandaan ko pa ang short cut patungo roon kaya ganoon ang aking ginawa. Kalahating oras at nasa Naseem na ako. Malapit daw sa Safeer Hotel ang tirahan niyang compound.

Hinanap ko ang Safeer. Ilang ikot ako bago nakita ang Safeer Hotel. Nakita ko ang katabing compound na tirahan ni Ninang Joy.

Ipinarada ko sa harap ng gate ang kotse.

Itinanong ko sa guwardiya kung saan ang villa ng bagong lipat na Pinay nurse na nagngangalang Joy. Hindi agad naintindihan ng guwardiya ang aking tanong dahil sa malat kong boses. Pero nakuha rin niya ang ibig kong sabihin. Maliksing tiningnan ng guwardiyang Pakistani ang listahan. Nakita.

"Villa 3 sadik. Rm. 153,"
sabi at itinuro ang villa.

"Shokran,"
sabi ko at tinungo ang villa 3. Inaapoy na ako ng lagnat. Matindi na ang nadarama kong init sa aking mga mata. Masakit ang aking ulo.

Pero nang mga sandali palang iyon ay inaabangan na ako ni Ninang. Sinalubong na niya ako nang makita.

"Ninang…" sabi ko nang nakalapit. Hinalikan ko siya sa pisngi.

"Ay ang init mo Eric!"

"Oo nga Ninang."

"Halika dali," sabi at inaalalayan ako pagpasok sa kuwarto. Dumeretso ako ng higa sa sopa.

"Ninang bahala ka na sa akin. Di ko kaya to."

"Oo, Eric. Oo."

Matindi ang init sa aking katawan at gusto kong panawan ng malay. Kahit na inaapoy ng lagnat, nakita ko ang ligaya sa mga mata ni Ninang Joy sa pagdating kong iyon.

(Itutuloy)

Show comments