Ang Kasalanan Ko Kay Kuya Felipe (90)

MALUNGKOT ang tagpo ng araw na salubungin namin ni Ate Tet ang naka-kahong bangkay ni Kuya Felipe sa Ninoy Aquino International Airport. Ganoon pala ang sitwasyon kapag patay ang sasalubungin. Kung gaano kalaki ang tuwa kapag sinasalubong namin siya noon, kabaligtaran ang nangyari sapagkat walang katulad na lungkot.

Makulimlim ng araw na iyon na para bang nakikiramay sa biglang pagkamatay ni Kuya Felipe. May isang oras din kaming naghintay bago tuluyang naibaba ang bangkay. May isang lugar sa NAIA na sadyang laan para sa mga dumarating na "patay sa kahon". Doon ito pipik-apin ng mga kaanak. Bago kami nagpunta sa NAIA ay kinontrata na namin ang serbisyo ng punerarya. Halos magkasunod kaming dumating sa NAIA ng funeral car. Habang naghihintay sa pagbababa sa "kahon" ay walang tigil sa pag-iyak si Ate Tet. Ewan ko kung iyon ay dahil nalulungkot siya sa pagkamatay ni Kuiya Felipe o natutuwa dahil wala nang hadlang sa aming relasyon. Ako, gulo ang isipan. May sumasaksak na namang patalim sa utak ko. Hindi ko alam kung nagmumulto si Kuya Felipe sapagkat kahit saan ako tumingin, ang mukha niya ang aking nakikita.

Nang ibaba ang kahon ay lalo pang umiyak si Ate Tet. Pagkaraan ng ilang pag-iyak at pagpirma sa mga papeles at ibang dokumento ay isinakay na ang bangkay sa funeral car. Idederetso ito sa punerarya. Kami naman ni Ate Tet at ang kaibigan ni Kuya Felipe na si David ay sa FX na inarkila naming sumakay. Bitbit ni David ang kulay black na attaché case ni Kuya Felipe. Ang attaché case na iyon ang lagi niyang dala kapag nagbabakasyon.

Habang tumatakbo ang FX ay nagkukuwento si David tungkol sa mga huling sandali ni Kuya Felipe. At wala raw itong bukambibig kundi ako. Ikinukuwento ang pagkaka-graduate ko at ang nakatakdang pagkuha ng board exam. Ipinagmamalaki raw ako nang labis. Mabait daw akong bata. Matalino. Walang bisyo. Inayos na rin daw ni Kuya Felipe sa manager nilang Saudi ang nakatakda kong pagpasok sa kanilang kompanya. Kapag naka-take na raw ako ng board exam ay maaari na akong mag-apply habang hinihintay ang resulta.

"Mahal na mahal ka ng Kuya Felipe mo," sabi sa akin ni David. Napansin kong nakikinig lamang si Ate Tet.

"Magkasama kami sa kuwarto ni Ipe kaya alam kong paborito ka niya. Ikinuwento pa nga niya sa akin kung paano ka kinuha sa probinsiya. Sabi pa niya, suwerte raw siya sa iyo sapagkat mula nang kupkupin ka ay nagkasunod-sunod ang suwerte niya sa buhay. Nagkatrabaho siya sa Saudi at malaki ang suweldo…"

Nakikinig lamang ako. Para namang nasa paligid lamang si Kuya Ipe at nakikinig sa ikinukuwento ni David.

(Itutuloy)

Show comments