Laro sa putikan (Ika-135 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


 


Wala kaming kamalay-malay na ng mga sandali palang iyon ay may masama nang nangyayari kay Ate Cora sa Hofuf. Tuluyan nang nasira ang isip at naging bayolente, dahilan para dalhin ito sa pribadong ospital ng mga amo roon. Makaraan ang isang buwan ay inilipat ito sa isang ospital sa Riyadh. At sa kauna-unahang pagkakataon mula nang masira ang isip ay nagkita kaming magkapatid. Hindi niya ako makilala. Ang dahilan ng pagkasira ng isip ay malabo pa. Pero sa palagay ko, may kaugnayan ang nangyaring pangre-rape ng unang amo na isa umanong motawa.

Awang-awa ako sa kapatid ko. Payat siya. Hindi ko akalaing magiging ganoon ang hitsura. Mala-yung-malayo sa itsura noon. Si Kuya Jeff, ay walang reaksiyon noong una kung sabihin ang mga nangyari. Pero ilang araw makalipas kong ikuwento, ay siya na mismo ang nagyaya sa akin para sumamang dumalaw sa ospital na kinaroronan ni Ate.

Sa pagkakataong iyon, naramdaman ko na may natitira pa siyang pagmamahal sa kapatid ko. Hindi pa lubusang nawawala at maaari pang mabuo.

Sa pagkakatingin ni Kuya Jeff kay Ate Cora ay punumpuno ito ng awa. Nalimutan na ang malaking kasalanang nagawa sa kanya. At pakiwari ko, kung mayayakap lamang siguro ni Kuya Jeff si Ate Cora ay ginawa na niya.

Hindi maaring lapitan si Ate sapagkat bayolente nga.

May anim na buwan sa ospital na iyon sa Riyadh si Ate bago nakakita ng pag-asang gumaling. Ilang buwan pa ay sinabi ng director ng ospital na maaari na itong dalhin sa Pilipinas para doon na ipagpatuloy ang gamutan.

Kami ni Kuya Jeff ang nagdala sa aking kapatid. Pagdating sa Maynila ay sa National Mental Hospital din namin siya dinala. Iyon ang kabilin-bilinan ng doctor sa Riyadh. Maaaring bumalik ang pagiging bayolente kaya dapat ay sa ospital ito ilagak.

Hindi ko inaasahan ang pagdedesisyon ni Kuya Jeff na mag-resign sa trabaho sa Riyadh para maharap ang asawa at pati ang kanyang mga anak. Iyon na raw ang pinakamagandang desisyon na kanyang naisip. Maaari pang mapaglingkuran ang asawa sa kabila ng lahat. Sino pa ba ang titingin dito?

Tinanggap ko ang desisyon niyang iyon kahit na masakit sa akin. Wala akong magawa.

Pagkaraan ng ilang buwan, mag-isa akong nagbalik sa Riyadh. Para akong ulila na hindi malaman kung paano mag-uumpisa.

(Itutuloy)

Show comments