Laro sa Putikan (Ika-129 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


"BAKIT mo nasabing may mangre-rape sa iyong motawa Ate?" tanong ko nang mapunang may takot sa kanyang mukha.

Hindi siya sumagot. Nang ulitin ko ang tanong ay saka lamang suma- got pero parang walang kawawaan ang sinabi.

"Wala. Wala naman."

"Anong nangyayari sa’yo?"

"Wala. Okey na ako. Naho-homsik lang ako. Kasi gusto kong makita ang mga anak ko." "Saan ba sila dinala ni Kuya Jeff?" tanong ko.

"Hindi ko nga alam. Itinago na sa akin."

"Hayaan mo, para hindi ka mahomsik lagi tayong magkita rito. Tuwing Huwebes ng gabi, magkita tayo rito."

"Sige. Hindi talaga ako tatagal dito sa Saudi. Akala ko hindi malungkot dito."

"Pero ipangako mo Ate, huwag mo nang gagawin ang mga ginawa mo – yung pumatol sa ibang lalaki."

"Hindi na. Nagsisisi na nga ako. Gusto ko lang makita sana ang mga anak ko."

"Si Kuya Jeff? "Alam ko naman hindi na niya ako mapapatawad. Okey lang. Basta yung mga anak ko lang ang gusto kong makita."

Nagpaalam na ako kay Ate. Umalis na rin naman siya at umuwi na sa bahay na pinaglilingkuran. Malapit lamang sa Food Basket ang bahay. Halos matatanaw iyon mula sa Food Basket.

Tuwing Huwebes nga ng gabi ay pinupuntahan ko si Ate sa Food Basket. Paglabas ko sa trabaho ay magta-taxi ako patungo roon. Naghihintay na siya sa Food Basket. Kakain kami ng hamburger at saka magkukuwentuhan. May napupuna ako sa kanyang kakaiba. Madalas na natutulala. At kung minsan naman ay masayang-masaya.

"Kung gusto mo, sa Batha naman tayo magpunta. Maraming Pinoy doon. Marami ring kainang Pinoy, may Kamayan, Quiapo at Aristocrat. Gusto mo?"

"Sige. Kaya lang, baka may motawa roon. Delikado. Mababagsik ang motawa di ba?"

Nagtaka na naman ako kung bakit nang mapag-usapan ang motawa ay takot na takot siya. Para bang may masama siyang karanasan sa motawa. Hindi ko maintindihan ang aking kapatid. (Itutuloy)

Show comments