Laro sa putikan (116)

IKINATATAKOT ko na baka magkagusto sa ibang babae si Kuya Jeff. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kapag ginawa niya iyon. Ganoon kalikot ang isipan ko. Siguro’y bunga na nang ilang taong pagkakaroon ng relasyon namin na walang namagitang pag-aaway o tampuhan man lamang. Pero may pangako naman sa akin si Kuya Jeff, pagkaraan daw ng mga pangyayari sa kanyang buhay na iniputan ng kapatid ko, hindi na siya hahanap ng iba pa – ako na lamang daw. Kami na lamang daw habambuhay kahit na patago ang relasyon. Ang mga salita niyang iyon ang pinanghawakan ko. Naniniwala ako sa kanyang pangako.

Makalipas ang isang linggo, tumawag na naman si Ate sa ospital. Hindi mapagsabihan kahit na sinabi kong bawal akong tawagan. Matigas talaga ang ulo ng kapatid ko. Walang makapigil at kahit nasa ibang lugar ay ipipilit pa rin ang gusto.

"Sabi ko naman sa’yo ako na ang tatawag diyan sa tirahan mo," sabi kong may bahid ng inis.

"Nahohomsik na ako. Putang-inang buhay ito!" sabi ni Ate.

"Dapat hindi ka rito sa Saudi nag-aplay. Nakaka-homsik talaga rito."

"Puntahan mo ako rito sa tirahan ko!" ng-uutos na sabi.

"Hindi puwede. Hanggang gabi na ang duty ko," pagsisinungaling ko.

"Baka maloka ako kapag hindi nakalabas dito sa bahay."

"Akala ko ba may kasama kang Pinay diyan?"

"Meron nga. Pero tatanga-tanga rin naman. Matagal nang narito sa Saudi pero wala pang alam na lugar."

"Mabuti pa Ate huwag ka na munang lumabas ng bahay para mamasyal. Delikado rito."

"Putang-inang buhay ito baka maloka-loka nga ako kapag hindi pa pinayagang lumabas ng amo ko."

"Magtiis ka nga muna."

"Puntahan mo ako rito kahit sandali lang. Makapag-usap man lamang tayo."

"Ano ba ang pag-uusapan natin? Puwede namang ikuwento sa phone."

"Marami akong sasabihin tungkol sa putang-inang asawa ko. Hindi ko puwedeng ikuwento sa phone dahil baka tumawag ang amo ko e medyo masungit pa naman ‘yon."

"Paano ba pupunta riyan?"

"Malapit ito sa Food Basket sa may Al-Rawdah. Alam mo ba iyon?"

Nakarating na ako minsan doon.

"Sige pupunta ako," sabi ko.

"Kailan?"

"Bukas ng tanghali."

(Itutuloy)

Show comments