Laro sa Putikan (IKa-40 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


SINO ang hindi masisindak sa balitang iyon. Nangyari ang pagpapakamatay sa panahong sariwa pa ang mga ginagawang pambababoy sa akin ni Kiko. At iyon nga ang dahilan kung bakit ayaw ko nang makipagbalikan sa kanya. Nagkaroon ako ng takot sa nakabibiglang balita.

"Nagbigti si Kiko," sabi ng isang nurse na lalaki. Kilala ng nurse si Kiko. Ibinalita sa akin ang pangyayari nang magkasalubong kami sa hagdan ng housing. Sabado ng umaga noon.

Hindi agad nakapagsalita. Gusto kong itanong kung ano ang dahlan pero walang lumabas sa bibig ko.

"Nakita na lamang daw ng kasama niya sa kuwarto na nakabitin sa CR," sabi ng kasamahan ko.

Iyon lamang at wala nang sinabi tungkol kay Kiko. Naiwan sa akin ang maraming isipin. Tiyak na magiging kontrobersiyal ako sapagkat maaaring sa akin ibato ang akusasyon na kaya nagbigti ay dahil sa sobrang sama ng loob o kabiguan. Ayaw kong tanggapin ang pagsu-sorry. Pero hindi ako apektado. Wala akong alam sa pagpapakamatay niya. Gayunman natakot pa rin ako dahil baka masangkot ang pangalan ko at imbitahan ng mga pulis. Sa Saudi lahat ay maaaring isipin dahil sa pagkatakot sa mga awtoridad. Kahit wala kang ginagawang kamalian basta naugnay ang pangalan mo, maari kang damputin.

Nang pumasok ako sa ospital ay sinalubong agad ako ni Remy at ibinalita ang tungkol kay Kiko.

"Patay na si Kiko, Jean!"

"Alam ko na Remy, kaninang umaga pa."

"Kawawa naman si Kiko."

"Ano raw nangyari?"

"Iniimbestigahan pa ng mga pulis. Tinitingnan kung may foul play."

"Bakit may foul play?"

"Kasi masyado raw mababa ang pinagsabitan ng lubid at hindi akma sa tangkad ni Kiko."

Napa-ah ako.

"Pero palagay ko sadyang nagbigti si Kiko," sabi ni Remy. "Masyado na kasi ang kanyang sama ng loob. Marami siyang iniisip."

Nahalata ko na parang ang mga nangyari sa amin ni Kiko ang tinutumbok ni Remy. Hindi man tuwirang sabihin, parang ako ang sinisisi niya sa nangyaring pagbibigti.

"Wala akong alam diyan ha?" sabi ko para maipamukhang wala akong paki sa pagpapakamatay ng kanyang kaibigan.

"Alam mo Jean, kung siguro ay pinatawad mo siya baka buhay pa siya ngayon."

"Huwag mo akong konsensiyahin Remy. Wala akong alam sa pagpapakamatay niya."

Pero matalim ang titig sa akin ni Remy.

(Itutuloy)

Show comments