ARAW ng Biyernes, walang pasok sa Saudi at nagkataon ding dayoff ko, tinawagan ako ni Kiko at niyaya kina Remy.
"May kainan lang na konti. Eto nagpaluto na ako ng mga paborito mo..."
"Mamaya inuman yan ha? Ayokong makulong at mapauwi."
"Kainan nga lang," sagot ni Kiko na pinalambing pa ang boses.
"Anong oras?" tanong ko.
"Lunch. Patungo na nga ako roon. Pinalalamig ko na lang ang mga softdrinks. Nakapagsaing na nga ako."
"Naku ha?"
"Baka naman kung sinu-sino pa ang naroon tapos magkakagulo."
"Tayu-tayo lang. Ano, sunduin kita diyan?"
"Masaya ka! Ako na lang ang pupunta."
Wala na akong magawang dahilan para tumanggi sa anyaya. At least kina Remy kami magtatagpo. Pagbigyan na nga ang mayabang na iyon.
May kinse minutos takbuhin ng limousine ang papunta kina Remy. Nasa may Naseem district. Maraming Pinoy "couples" na nakatira sa Naseem. Sama-sama sa isang villa. Dalawang beses na akong nakarating sa tirahan nina Remy.
Eksaktong alas-dose ng tanghali ay naroon na ako. May kasama si Kiko, isang lalaki at isang babae na sa hula koy magsiyota rin. Abala sina Remy at ang asawa sa paghahanda sa mesa.
Ipinakilala ako ni Kiko sa magsiyota. Romy at Gina ang pangalan. Maya-maya ay nagtawag na si Remy at ang "mister" nito. "Kainan na!"
Maraming pagkain. Malalaking hipon, sariwang tilapia at alimasag ang nakahain. May pansit, kakanin at kung anu-ano pa. Marami ring prutas. Parang isang batalyon ang kakain.
Matapos kumain ay nagkuwentuhan kaming apat sa salas. Kaharap ko si Gina. Maya-maya napansin kong tumayo si Gina at pumasok sa isang kuwarto na nasa gawing kaliwa. Makalipas ang isang minuto ay tumayo si Romy at pumasok din sa kuwartong pinasukan ni Gina.
Naiwan kami ni Kiko sa salas.
(Itutuloy)