ISANG malaking sunog ang naganap sa Bataan Shipyard and Engineering Co. (Baseco) Compound sa Port Area, Manila noong January 12, 2004 ganap na alas-onse ng gabi. Ang nasabing lugar ay nasa hurisdiksiyon ng Station 5 na pinamumunuan ni Jamias.
Sumiklab ang apoy at sa isang iglap ay kumalat sa mga kabahayan. Umanoy nagsimula ang sunog sa bahay ng mag-asawang nag-away. Ayon sa mga testigo, bago nagsimula ang sunog ay narinig nilang nag-aaway ang mag-asawa. Narinig umano nila ang pagtatalo at ang kasunod ay ang kalabugan. Nagbanta umano ang babae na susunugin nito ang damit ng asawa. Makalipas ang ilang minuto, nakita na lamang ng mga residente na nagliliyab na ang bahay ng mag-asawa. Kasunod ay ang pagkalat na sa mga bahay na karaniwang yari sa mga kahoy at ilang mahihinang materyales. Nahirapan ang mga bumberong kontrolin ang apoy. Hindi sila makapasok sa loob sapagkat dikit-dikit ang mga bahay.
Siyam na oras ang tinagal ng apoy. Halos walang nailigtas ang mga residente. Marami ang halos ay masiraan ng bait dahil sa biglaang trahedya na sumapit sa kanilang buhay.
Sumugod sina Jamias sa nasabing lugar para maproteksiyunan ang lugar. Napailing-iling lamang si Jamias nang makita ang kawawang kalagayan ng mga residente.
Muli niyang nakaraharap ang Barangay Baseco chairwoman na si Teresita Lumactod na sa kabila ng malagim na pangyayari ay matibay pa rin ang kalooban.
Katulad ng mga nakita ni Jamias sa kanyang isipan noon, muli na naman niyang nakita na may masasamang mangyayari sa Baseco, pagkatapos ng sunog ay may karahasan na namang magaganap. May premonisyon siyang nakikita.
"Kailangan ko ang tulong mo Colonel," sabi umano ni Lumactod kay Jamias.
"Ano yon?"
"Masama."
(Itutuloy)