Jamias (Ika-63 labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 2 Command)

AYON sa Japanese na si Teramato, may dala siyang pera na umaabot sa $50,000. Gimbal si Jamias sapagkat nang kuwentahin niya, umaabot iyon sa P2 million. Ganoon kalaki ang kinulimbat ng mga kaibigang Pinoy ni Teramato. Makaraang pagtiwalaan ng Japanese ay inabando-na na lamang at pinabayaang lumaboy sa kalye. Ipinagpapasala-mat pa rin naman ni Jamias na ang nakakita kay Teramato ay ang dalawang mabuting barangay tanod. Mabuti na lang at sa pag-iisa nito habang nakasakay sa electronic wheelchair ay hindi nasagasaan ng bus o dyipni.

"Wala bang itinira sa iyong pera ang mga kaibigan mo, Mr. Teramato San?"

"Wala. Nalulungkot nga ako kasi, nagtiwala ako sa kanila. Alam ko noon mabubuti ang mga Pilipino."

Lalo pang nakadama ng panlilit si Jamias.

"May mabubuti pa rin Mr. Teramato San. Tulad ng dalawang tanod na nagdala sa iyo rito. Sila ay example na marami pa rin ang mga mabuting loob."

"Oo nga. Kundi sa kanila, baka patay na ako. Hindi na ako maka-aawit," sabi at saka nagtawa. Sa tinig ay para bang naka-recover na.

Nalaman ni Jamias na kaya maraming pera si Teramato ay sapagkat pensiyonado ito. May equivalent na P200,000 bawat buwan ang tinatanggap nito sa kanilang govern-ment. Hindi raw pinaba-bayaan ang mga pensiyonado sa kanila. Laging binibigyang halaga.

"Ganito rin ba sa Philippines, tinutulungan ang mga handicapped?" tanong ni Teramato.

Hindi na sinagot ni Jamias ang tanong ng Japanese.

Sa Station 5 nagdaos ng New Year si Teramato. Si Jamias at iba pang pulis doon ang lubos nag-asikaso sa kanya. Pinakain at nilibang. Kinabukasan ay kinontak ni Jamias ang Japanese Embassy para ipagbigay-alam ang nangyari kay Teramato.

Nang hapong iyon ay agad na dumating ang mga represen-tative sa Japanese Embassy para kunin si Teramato.

Bakas sa mukha ni Teramato ang walang hanggang pasasalamat kay Jamias at mga pulis sa Station 5. Bago umalis ay nagparinig pa ng awit na lalo pang nagbigay kasiyahan sa mga taong nasa Station 5. Mainit ang pamamaalam ni Teramato kay Jamias na itinuring niyang isang tunay na kaibigan. Sa loob lamang ng 24 oras ay nakita niyang isang tunay na kaibigan ang pulis May-nila na si Jamias. Handang tumulong sa katulad niyang lumpo at inabandona ng mga kaibigang mukhang pera.

(Itutuloy)

Show comments