HINDI nahirapan si Jamias dahil sa katulong sina Supt. Jonathan Miano at SPO2 Pedro Magadia na malutas ang kasong pagpatay sa negosyanteng si Raul Sarte. Bukod sa witness na nakakita sa tatlo habang inilalabas ang bangkay ni Sarte sa San Carlos Hotel, isang babaing interpreter ng mga Japanese businessmen, ang nakunan nila nang matibay na ebidensiya at nahalukay ang kaso. Bumigay ang babaing interpreter at itinuro ang hideout ng tatlong pinaghihinalaang Yakuza members.
Bago iyon, nagtungo muna sina Jamias at mga pulis sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) para magsagawa ng background check sa tatlong Japanese traders. Napatunayan nila na dumating sa Pilipinas ang tatlong Japanese noong November 1, 1998.
Narito sila sa Pilipinas para magtayo ng negosyo. Sa pamamagitan ng negosyanteng si Sarte ay nagkasundo sila na magtayo ng ferry boat business. Ang malaking halaga ng pera ay kay Sarte ipinagkatiwala ng tatlong Japanese. Iyon ang naging dahilan ng pagpatay. Nagkaroon umano ng onsehan sa pera.
Mabilis na sinalakay nina Jamias ang hideout ng tatlong Japanese. Hindi naman nanlaban ang mga Japanese kina Jamias. Nakilala ang tatlo na sina Yasou Yashida, 44, Setsou Isai, 49 at Moriaki Yashida, 48, pawang binata at nakatira sa Roth-man Inn Hotel sa kahabaan ng Adriatico St. Nadakip sila nina Jamias dakong alas-tres ng madaling araw.
Makaraang madakip ang tatlo, itinuro nila ang kinaroroonan ng kotseng kinalagyan ng bangkay ni Sarte. Natagpuan iyon sa harapan ng Jipang Building sa kanto ng Buendia Avenue at Roxas Boulevard sa Pasay City.
Nang buksan ang trunk ng kotse, nakita ang hubot hubad na bangkay ni Sarte. Nakatali ng alambre. Nakabaluktot ito na para bang pinagkasya sa trunk.
Lutas ang kaso na nagbigay ng karangalan sa Western Police Dis-trict sa pangunguna ni Jamias, Miano at Magadia. Pinarangalan sila ni Manila Mayor Lito Atienza dahil sa mabilis na pagkakalutas ng kasong iyon.
Isang pakikipagsa- palaran na naman kay Jamias na nagbigay-kinang muli sa kanyang pangalan.
(Itutuloy)