LUGAR: MORIONES, Tondo. Ang petsa: September 25, 2002. Isang hamon na naman para kay Elmer Jamias ang pagkakalipat sa lugar na iyon. Nasa kanto ng Nolasco at Morga Sts. ang Station 2. Kung titingnan sa malayo ay isang maliit na bahay lamang ang station na iyon. Dalawang palapag. Hindi gaanong pansinin. Pero kapag nasa loob na, malaki at maaliwalas. Iyon ang bagong bahay ni Jamias. Iyon ang ika-anim na station na pamumunuan niya. Una ay Station 9 bilang Deputy Commander, sumunod ang Station 5 sa ganoon ding position; Station 3, commander; Station 11, commander; Station 5, commander at Station 2 nga.
Sanay na si Jamias sa palipat-lipat. Sa mga station commanders, siya ang pinaka-maraming naatangan ng tungkulin. Bukod doon, siya ang pinaka-bata sa mga naging station commander.
Hindi na siya nasindak nang malamang sa Tondo siya maa-assign. Nakahanda na siya. Alam niya na ang bawat lugar na mapuntahan niya ay magbibigay ng panibagong karanasan sa kanya. Bagong pakikipag-sapalaran. Iyon ang gusto niya. Mas maraming napuntahang lugar mas maraming magagampanan.
At sa bawat paglipat sa kanya, masaya siya sapagkat alam niyang may tiwala sa kanya ang mga opisyal ng Western Police District (WPD) sa pangunguna ni Gen. Pedro Bulaong at siyempre pa ni Manila Mayor Lito Atienza. Kung walang tiwala sa kanya hindi siya ang ilalagay para pamunuan ang station.
Sa pamumuno sa Station 2, lalo pang kuminang ang pangalan ni Jamias. Dito lalong nasubok ang kanyang kakayahan bilang isang mahusay na pulis-Maynila.
(Itutuloy)