TAMA si Elmer sapagkat ang pagiging masigasig niya sa pag-aaral at dedikasyon sa trabaho bilang isang pulis ay nagkaroon ng matamis na bunga. Sabi nga ng isang Greek philosopher, mapait ang pagkakamit ng edukasyon pero ang bunga naman ay napakatamis. Ganyan ang nangyari kay Jamias.
Sa mga opisyal sa Western Police District (WPD) na yata ang may pinakamaraming napamunuang stations ng pulisya. Una siyang naging Deputy Station Commander ng Station 4. Sumunod ay Deputy Station Commander ng Station 9 at Station 5. Kasunod ay ang pagiging Station Commander ng mga sumusunod: Station 3, 11, 5, at 2. (Editors note: Sa kasalukuyan ay hinahawakan na ni Col. Jamias ang Station 5 na dati na niyang hinawakan noong 1999.)
Naging Assist. Director siya ng Intellegence Division noong 1997 at Assistant Director to Dir. ng Intelligence Division ng Recom 4 noong 1998. Naging Chief of Police din siya ng Cainta Police Station noong 1998.
Subalit sa lahat ng mga hinawakang Police Station, ang Station 3 ang hindi malilimutan ni Jamias. Ang Station 3 ay sumasakop sa Central Market at Quiapo Area. Sa pamumuno sa Station 3, dito nakasalamuha ni Jamias ang lahat ng uri ng tao higit sa lahat ang mga halang ang kaluluwa.
Talamak ang drug problem sa nasasakupan ng kanyang hinahawakang station. Pero sabi nga, kapag ang isang tao ay dedikado sa kanyang tungkulin kahit na harangan pa ng kung sinong demonyo ay kayang-kayang talunin.
Dito niya nakasagupa ang Public Enemy No. 1 ng Maynila na si Mike Ampuan lalong kilala sa pangalang Macmod. Limang pulis na ang naitumba ni Macmod. Pero hindi siya nagtagumpay kay Jamias. Natapos ang career ni Macmod noong April 8, 1999 (Huwebes Santo) nang makipag-duwelo kay Jamias.
(Itutuloy)