Susie san:Japayuki (Ika-34 na labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

MASAYANG lungsod ang Shizouka. Kahit na araw ay walang tigil sa galaw ang mga tao. Masyadong abala na hindi katulad ng Kamakaura City na unang lugar na aking pinagtrabahuhan noon. Masigla ang negosyo at para bang ang mga tao ay pawang nasa labas ng kanilang bahay.

Kung masaya sa araw lalo naman sa gabi na parang hindi na natutulog ang mga tao. Handang magtapon nang magtapon ng pera lalo ang mga lalaki.

Malaki rin ang pagkakaiba ng bagong club na aking pagtatrabahuhan kaysa noon. Ang Madame Rose ay hindi patakbuhing club. Karamihan sa mga parukyano ay mga desenteng negosyante. May mga pinag-aralan at sa tipo ay hindi manloloko ng kapwa. Walang parukyanong tulad ni Ito (ang hapones na basagulero sa unang club noon) na pati babae ay pinapatulan at ang tingin ay mababa na parang "pokpok" na kahit anong oras ay maaaring ilabas.

Tama ang sabi sa akin ni Au, ang Madame Rose ay kakaiba sa mga club na nasa Shizouka. Si Au ang nagtip sa akin para sa nasabing club pumasok. Malaki ang naging papel ni Au sa mabilis na pagkakabalik ko sa Japan. Hindi ko na kayang bilangin ang utang na loob at masakit na ring isipin ang halaga ng perang nautang ko sa kanya. Pero mabuting kaibigan si Au. "Huwag mo na munang kuwentahin ang utang mo at hindi pa naman kita sinisingil. Alam ko, nasa gipit kang kalagayan. Basta ang mahalaga ay makaalis ka," sabi niya.

Kung sa club sa Kamakaura ay pagsasayaw ang aking ipinakitang talent, ngayo’y ang pag-awit ang ipinakita ko. At noon ko nalaman, mas nalulugod ang mga Hapones sa babaing may angking talino sa pag-awit. Nasisiyahan sila sapagkat habang ako ay kumakanta, nakatutok ang tingin nila sa akin. Ang atensiyon nila ay naka-pokus sa akin. Para bang ninanamnam ang bawat katagang lumabas sa bibig ko. Marami ang humanga sa akin sa unang araw pa lamang ng pagtatrabaho ko sa Madame Rose.

Isa sa mga gabi-gabing nasa Madame Rose ay si Toshi Yashikawa. Mula sa kinauupuan nito sa sulok ay kitang-kita ko ang walang kurap niyang pagkakatitig sa akin habang ako ay kumakanta.

(Itutuloy)

Show comments