MULA sa perang ipinautang ni Au, ginamit ko iyon para puhunan sa pagtitinda sa harap ng inuupahan naming kuwarto. Walang ibang magagawa kundi ganoon. Habang hinihintay ko ang aking panganganak kailangan ay kumita. Mga bituka ng manok, isaw, balunbalunan at adidas ang itininda ko. Iyon ang naisip kong pinaka-madaling paraan. Isa pay maaari kong makatulong si Roy sapagkat batang palengke siya na alam ang pasikut-sikot sa ganoong klase ng hanapbuhay.
"Kapag nasa Japan ka na, mag-iihaw pa rin ako ng isaw at adidas, pero hindi ko ipagbibili " sabi ni Roy habang nagpapahinga kami isang gabi.
"Anong gagawin mo?"
"Pulutan ko na lang kaharap ang imported na alak."
"E kung hindi ako mag-Japan. Okey naman ang magtinda a?"
"Lalayasan kita!" sabi at nandilat ang mata.
"Ugok."
"Talaga! Usapan natin pagkapanganak mo, magja-Japan ka uli."
"Me tumanggap pa kaya sa akin na may anak na."
"Bakit wala e mukha ka pang dalaga."
"Kung ma-ceasarian ako e di may biyak na ako sa tiyan."
"Hindi. Pilitin mong normal yan."
"Gago."
Hindi pa rin nawawala sa isip ni Roy na kailangan kong mag-Japan. Siya pa ang nagtutulak sa akin kahit na parang tinatabangan na ako.
"Tingnan mo si Au, maraming ari-arian, may kotse pa "
"Sinuwerte siya e. Suwertehan din sa Japan kasi."
"Kaya mo rin yon."
"Alin? Bumili ng kotse at mga lupain?"
"Makapag-asawa ng matandang sakang."
"Ugok."
Ewan ko kung nagbibiro o totoo sa loob ni Roy ang sinabing iyon.<