Susie san: Japayuki (Ika-29 na labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

lSA isang maliit na kuwarto kami bumagsak ni Roy. Wala akong magawa kundi tanggapin ang kapalaran. Nang makita ko ang kabuuan ng kuwarto, gusto kong ipilit kay Roy na sa bahay na lamang kami. Mas maganda ang kuwarto ko roon kaysa sa kuwartong uupahan namin.

"‘Kala ko ba nagkaintindihan na tayo? Baka kami naman ng senglot mong ama ang mag-away. Hindi ko gusto ang tabas ng bibig ng tatay mo!"

Tumahimik na ako. Inilabas ko ang huling pera na aking itinatago. Bahala na. Ang inalala ko ay si Tony. Nag-aaral ang kapatid ko. Tanging sa akin umaasa. Paano maipagpapatuloy ang pag-aaral kung walang pera?

"Tawagan mo na si Au," sabi ni Roy.

"Kakahiya."

"Ba’t ka mahihiya e babayaran mo naman kapag nakapag-Japan ka."

"Matagal pa yon. Kita mo’t bago pa lang lumalaki ‘tong tiyan ko."

"Tawagan mo na."

Wala akong nagawa kundi tawagan si Au.

Nagulat si Au sa pagtawag ko. Mabuti hindi ko naiwala ang number niya. Kumustahan kami. Malapit na nga raw siyang umuwi. Okey daw sila ng kanyang asawang Hapones. Isang matandang negosyante. Biyudo raw. Hindi na raw maganda ang patakbo sa club na dati kong pinaglilingkuran. Mabuti na lang ay tinototo siya ng Hapones. Magnenegosyo raw siya pag-uwi. Bibili ng paupahang apartment. Bibili ng farm.

Natapos ang kuwentuhan. Tinanong ako kung bakit tumawag, sinabi ko ang problema. Nabuntis ako at kailangan ang pera. Kung puwede ay pautangin muna niya ako.

"Sana hindi ka muna nagpabuntis," sabi pero mabilis ding nabawi, "Okey, pahihiramin kita. Magkano ba?"

Sinabi ko ang halaga. Okey kay Au.

"Hintayin mo after two days."

"Salamat Au."

"Ingatan mong sarili mo. Sana hindi ka muna nagbuntis paano ka pa makakabalik dito."

"Sisikapin ko. Kaya ko pa Au."

Tuwang-tuwa si Roy nang malamang nakautang ako ng pera kay Au. Para bang nabunutan ng tinik. Hindi man lamang nag-alala kung paano babayaran iyon. Mas mahalaga sa kanya ay gumastos nang gumastos. Ni hindi mag-isip kung paano maghahanap ng trabaho.

Show comments