Maria Soledad (Ika-116 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

ANIM na buwan akong namalagi sa Canada dahil sa anyaya ni Dang at mister nito. Nagkataon din namang may kaugnayan sa trabaho ang trip kong iyon.

May ibang pakay si Dang kaya inanyayahan ako. Marami pala siyang kakilalang Pinoy na kasamahan sa trabaho at ang iba naman ay kaibigan nilang mag-asawa. Inireto ako. Ipinagsama sa kung saan-saang lugar para makakilala ng mapapangasawa.

"Para makapag-asawa ka na Ate. Ilang taon pa at 40 ka na. Baka mahirapan ka nang magka-baby niyan."

"Magpapakatan-dang-dalaga na lang ako," biro ko.

"Kawawa ka kapag tumanda. Sinong mag-aalaga sa iyo?"

"Kasama ko naman ang mga anak ni Ate Neng. Sila ang mag-aalaga sa akin."

"Mag-aasawa rin ang mga iyon. Aalis din at ikaw ang mag-iisa."

"Ihanap mo ako rito sa Ontario."

"Ano nga bang ginagawa ko. Kapag may nakita nga akong guwapong kababayan e hindi ako nahihiya makilala lang. Para sa iyo."

May limang lalaki ang ipinakilala sa akin ni Dang. Mga mababait naman at propesyunal. Pero hindi ko maintindihan ang aking sarili. Wala akong madama sa kanila. Pakikipagkaibigan lang ang nadarama ko.

"Kung ako sa iyo, sasagutin ko na si Troy, mabait at propesyunal. Hindi pa nagkaka-girlfriend."

"Hindi ko type Dang. Parang mahina ang personalidad."

"Si Mau. Maganda ang trabaho rito at mababait ang mga magulang at kapatid," udyok uli.

"Ay naku, ayaw ko yata sa isang walang sense of humor."

"Si Jeff, ayaw mo? Guwapo at maganda rin ang trabaho."

"Masyadong malaki ang katawan. Ayaw ko sa lalaki yung parang alimango ang katawan."

Suminghal si Dang pero iyon ay ekspresyon lamang niya.

"Hay nakung babae ka. Ano bang hinahanap mo tao o ano?"

"Gusto ko yung may mararamdaman din ako. Paano kung isa lang ang may nararamdaman. Kawawa naman. Kaya siguro may mga failed marriages dahil hindi naman nila talaga gusto ang isa’t isa."

"Siguro nasa Pilipinas pa rin ang mapapangasawa ko," sabi ko.

Pagkaraan ng anim na buwan balik Pinas ako.

Hindi ko akalain na magkikita kami ni Cris.

(Itutuloy)

Show comments