Maria Soledad (Ika-95 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

HINDI talaga ako kailangan ni Tatay. Kahit na lumayas ako sa aming bahay, wala siyang pakialam. Walang sinabi o hinanap man lamang ako. Alam ko sapagkat patuloy ang aming komunikasyon ni Dang makaraang umalis ako at namasukan sa fastfood ni Ate Josie. Si Ate Josie, isang 51-anyos na biyuda at may dalawang anak ang itinuring kong ikalawang ina.

Sabi ni Dang nang malaman ni Tatay na umalis ako nang araw na iyon, ay hindi man lamang nag-alala. Para bang natuwa pa. Sabi pa ni Dang, "Wala man lamang siyang reaksiyon sa pag-alis mo Ate. Balewala ka talaga sa kanya."

Umalis ako sa aming bahay dala ang mga damit sa isang bag. Ang totoo’y balak kong ipaglihim kay Ate Josie ang tunay na mga nangyari sa aking buhay subalit hindi ko kayang magsinungaling sa babaing itinuring kong "hulog ng langit" sa akin. Hindi niya alam na ang pag-alis ko sa amin ay wala nang balikan.

Unang araw ko kay Ate Josie ay masiglang-masigla ako. Napansin iyon ni Ate Josie.

"Hindi mo kailangang magpakapagod, hinay-hinay lang," sabi pa nito.

Kinahapunan, ay nagtaka si Ate Josie kung bakit hindi pa ako kumikilos para umuwi.

"Baka gabihin ka, Sol?"

"Ate Josie, puwede ba dito na rin ako tumira. Kahit na bawasan mo na lang suweldo ko."

"Bakit?"

Ikinuwento ko na ang lahat. Ang buong pangyayari. Wala na akong inilihim. Awang-awa si Ate Josie sa akin.

"Sige. Dito ka na. Bahala na. Mabuti naman ang hangarin mo sa buhay. Naaawa ako sa tulad mo. Ano bang klaseng tao ‘yang tatay mo."

"Hindi ko alam Ate. Pero ganoon pa man may tinatanaw akong utang na loob sa kanya."

"Sabagay."

Iyon ang simula ng pagtahak ko sa bagong pakikipagsapalaran sa buhay. Pero malakas ang aking kutob, doon magkakahugis ang aking bukas. Doon mabubuo ang pangarap. (Itutuloy)

Show comments