ISANG linggo ang lumipas at bigla na lamang sumulpot si Ate Neng sa bahay kasama si Romy, kanyang boyfriend na sinamahan. Umagang-umaga sila dumating. Bakas sa mukha ni Ate Neng ang takot sa maaaring gawin ni Tatay. Nasa banyo si Tatay nang dumating sila. Si Inay ay abala naman sa paghuhugas ng pinggan. Kumakain na kami ni Dang ng almusal. Maaga kaming pumapasok sa school.
Nagulat kami at napatingin sa pinto nang tumawag si Ate Neng.
"Inay!" sabi ni Ate Neng pero hindi lumapit. Nasa may pinto lamang. Nasa likuran niya si Romy. Nakatungo. Halatang nanlalalim ang mga mata ni Ate Neng. Hindi agad nakasagot si Inay sa pagkabigla. Hindi inaasahang susulpot si Ate Neng. Pagkaraan ay biglang bumunghalit ng iyak si Inay. Para bang iyak nang isang namatayan.
"Anong ginawa mo? Bakit kayo nagtanan?"
Hindi kumikilos si Ate Neng sa pagkakatayo sa pinto. Si Romy ay nakatungo. Payat na lalaki si Romy, katamtaman ang taas. Medyo pogi. Mukha namang mabait.
"Inay sorry," nasabi na lamang ni Ate Neng at bumunghalit din ng iyak.
"Galit ang tatay mo. Baka kung ano ang magawa niya. Kung sa akin lang, maaari yang ginawa nyo. Nandiyan na yan. E ang tatay mo, ewan ko."
Lalong bumakas sa mukha ni Ate Neng ang takot. Tulad ng takot na nadarama ko tuwing sumisigaw siya at tinatawag ang aking pangalan.
Takot na matagal ko nang taglay mula pa noong nagkaisip ako. Ganoon ang nakita kong takot kay Ate Neng.
"Ano ang gagawin namin Inay?"
"Harapin nyo. Tanggapin nyo kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin. Hindi ko kaya ang galit ng tatay mo. Maski noon pa, ang salita niyay batas na."
Narinig namin ang pagbubukas ng pinto sa banyo. Tapos nang maligo si Tatay. Narinig namin ang mga yabag nang lumabas sa banyo. Kasunod ay ang bagsak ng mga paa patungo sa kanilang kuwarto para magbihis. Hindi kami humihinga sa mga susunod na mangyayari.
Nang pagmasdan ko si Ate Neng ay namumutla. Ang takot ay lumaganap na yata sa buong katawan.
Lumabas si Tatay sa kuwarto at kumuwadro sa pinto. Bumuga ang bulkan nang makita sina Ate Neng at Romy.
"Mga putang-ina hindi ko kayo kailangan dito. Umalis kayo!"
Dumadagundong na parang kulog ang boses ni Tatay. Sikip sa buong bahay dahil sa galit. (Itutuloy)