HINDI raw kaagad nakasagot si Inay sa tanong ni Mohammed kung meron ng anak. Wala pala sa mukha niya na mayroon nang isang anak. Alam ni Mohammed na married na si Inay sapagkat tinanong na ito ng gabing unang dumating siya. Si Mariam pa ang nagtanong.
"Ana fi baby ha, Lindah?" tanong pa ni Mohammed.
"Fi."
"How many?"
"One. Baby girl."
"O, beauty?"
"Beauty, kamukha ko."
"Dih Pangit."
At sa himig ng pagsasalita ni Mohammed, nahalata raw ni Inay na para bang sabik o gustong pag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng anak. Saka lamang naisip ni Inay na wala pa nga palang anak ang mag-asawa sa kabila na may ilang taon nang kasal.
"Kamih wala pang anak. Muskila."
"Muskila. Sino muskila?"
Saka naisip ni Inay na bakit naitanong iyon gayong personal iyon. Pero sinagot din daw ni Mohammed. Me problema si Mariam. Mahirap magbuntis. Marami raw tini-take na gamot pero wala ring epekto.
"Talagah ba may ganoon case?"
"Meron."
"Ikaw madalih buntis?"
Tumango raw si Inay. Ano ba at doon na napunta ang usapan. Sabagay wala namang masama. Hindi naman bastos ang pinag-uusapan. Saka nabanggit ni Mohammed na kung magkakanaak sila ni Mariam, gusto niya ay baby girl.
"Bakit?"
"Magandah babae. Bastah."
Ang problema sa pagbubuntis ay naikuwento rin naman ni Mariam kay Inay. Si Mariam na rin daw ang nagbukas ng usapan tungkol doon. Matagal na nga raw nilang gustong magkaanak, sabi ni Mariam kaya lamang ay hindi natutuloy ang pagbubuntis. Para raw may problema sa kanyang ovary. Sabi pa, gusto nitong magtungo sa US para magpakunsulta pero ayaw ni Mohammed. Hintayin na lamang daw at baka hindi lamang nila natitiyempuhan. Pero lumipas na ang ilang taon, wala pa rin. Parang nawawalan na ng pag-asa. (Itutuloy