Maria Soledad (Unang Labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

"SOLEDADDD! Soledaddd!"

Naalis kong bigla ang palayuk-palayukan sa pagkakasalang sa tatlong tipak ng bato. Nanginig ako sa takot nang marinig ang boses ni Tatay. Napatayo ako at hindi malaman ang gagawin.

"Tawag ka ni tatay, Marisol," kinublit ako ng kapatid kong si Dang.

Hindi ako makahakbang patungo sa loob ng aming bahay. Tiyak papaluin na naman ako ni tatay. Kapag ganoon ang kanyang boses, tiyak mayroon na naman akong maling nagawa.

"Soledaddddd!"

"Lumapit ka na agad para hindi ka mapalo!" sabi ni Dang.

Saka pa lamang ako pumasok sa bahay. Pasukot-sukot akong nagtungo sa salas.

Nakita ko si tatay na hawak ang isa kong notebook. Nakaupo siya sa sopa. Nasa paanan ang aking school bag. Nakasabog ang iba pang notebook sa sahig.

"Ba’t ang tagal mong lumapit? Bingi ka ba?"

Hindi ako sumagot. Ang pagsagot ay maaaring makadagdag pa sa galit ni Tatay. Kabisado ko na siya. Mangatwiran ka, galit. Hindi ka mangatwiran, galit din.

"Halika rito!"

Lumapit ako.

"Bakit puro punit ang notebook na ito?"

Nakatingin ako sa binubuklat na notebook. May mga punit nga iyon. May mga bahaging walang sulat. Marumi na rin.

"Bakit puro punit ito?"

"Pinunit ko Tatay kasi…" hindi ko tinapos ang pagsasalita dahil bumunghalit na ako ng iyak dahil sa takot. Nanginginig ako sa takot.

Kumilos si tatay. Binilot ang notebook at saka ipinalo sa puwit ko. Isa, dalawa, tatlo. Ang pang-apat ay hindi na sa puwit tumama kundi sa aking tagiliran. Tumama ang spring ng notebool sa aking binti. Napasiksik ako sa sulok. Hindi ko na tiningnan kung ano ang itsura ni Itay.

"Akala mo pinupulot ko ang ibinili diyan. Buwisit ka!"

Nanatili ako sa pagkakasiksik sa sulok. Inihagis sa paanan ko ang nagkapunit-punit na notebook sa aking harapan.

"Palibhasa’y dugong Arabo ka!" (Itutuloy)

Show comments