MULA noon ay nagkaroon na ng pader sa pagitan namin ni Rocky. Pagkatapos niya akong isumbong kay Inay, naging matibay na sa aking paniwala na hindi siya magiging mabuting tao. Ewan ko, subalit malakas ang aking kutob na malaki ang magiging papel niya sa pagkawasak ng aming tahanan. Ganoon ang malakas kong nararamdaman.
Minsan naitatanong ko sa aking sarili kung ano nga bang klase akong anak. Alam ko, mabuti akong anak. Alam ko kung saan ako dapat lumagay. Alam ko na dapat tumingin at tumanaw ng utang na loob sa mga magulang sapagkat sila ang nagbigay ng buhay at nagsakripisyo. Alam kong malaki ang bahagi ni Inay kung kaya ako naging tao. Kung hindi sa kanila ni Tatay ay wala ako.
Alam ko ang mga iyon. Subalit sa mga nakikita kong pagbabago ni Inay ay parang gusto kong kalimutan na siya ay aking ina. Malaki na ang ipinagbago niya mula nang maging asawa ni Ate Mina si Rocky.
At sa bawat paglipas ng araw ay lumalaki ang namuong takot sa aking dibdib. Parang may nakikita akong halimaw na anumang oras ay maaaring sumakmal sa akin. Ayaw kong mangyari iyon subalit wala akong magawa. Ang pagiging malamig ko kay Rocky ay hindi ko naman ipinahalata kay Rocky. Kapag nasa bahay si Ate kung araw ng Sabado (wala siyang pasok) at Linggo ay kunwaring walang namamagitang pader sa amin. Madali namang magkunwari.
Pero may sumusurot sa aking konsensiya na nagsasabing bakit hindi ko sabihin kay Ate ang mga napapansing kakaiba sa bahay. Bakit hindi ko sabihin na kapag nasa Maynila siya ay nagbabago ng ugali, pagsasalita at pananamit si Inay?
Kung anu-ano pa ang bumubulong sa akin. Subalit ang isipan ko na rin ang tumatanggi. Hindi ko kayang ipagtapat ang mga kakatwang napapansin.
Maski kay Tatay ay hindi ko rin iyon kayang sabihin. Gusto ko namang sisihin si Tatay sa pagiging tahimik nito at pagiging mahina. Bakit hindi siya nakararamdam. Bakit ako na lamang ang nakapupuna ng mga kakatwang nangyayari. Ibig kong masiraan ng isip.
Lalo pa ngang nagulo ang aking isip nang masaksihan ko ang kalaswaan ni Inay at Rocky sa kuwarto.
(Itutuloy)