ANG kagustuhan ni Inay ang nangyari. Sa Centro Escolar University pa rin sa Mendiola, Manila nag-aral si Ate Mina nang dumating na pasukan. Si Tatay ay walang comment sa kung anuman ang maging desisyon sa pag-aaral ni Ate. Hindi nagbibigay ng suhestiyon. Siguro'y dahil sa hindi naman siya pakikinggan. Okey sa kanya ang lahat. Walang sey.
Hindi na sa dating boarding house sa Legarda nangupahan si Ate sapagkat mayroon nang pumalit sa kanya roon sa halip, sa Lardizabal St. siya nangupahan.
Nang Lunes na simula ng klase ay inihatid siya ni Rocky sa terminal ng bus. Doon sa terminal din na iyon sila nagkasabay at nagkakilala hanggang sa magkabutihan na humantong sa buntisan blues. "Kung mag-uwian ka kaya. Tuwing hapon ay uuwi ka rito. Mga tatlong oras lamang naman ang biyahe di ba?" sabi ni Rocky nang nasa may hagdanan na sila. Bitbit ni Rocky ang bag ng damit ni Ate. Puti ang uniporme ni Ate. Sa suot ay hindi halatang may isa nang anak. Hindi nabawasan ang ganda.
"Makaya ko kaya iyon?" sagot ni Ate.
"Alas-tres ang last subject mo di ba?"
"Oo."
"Kaya mo. Ako nga noong nag-aaral sa Mapua, umaalis sa Maynila ng alas singko, maaga pa akong dumarating dito."
"Sige susubukan ko. Mami-miss ko si Baby kapag isang linggo akong hindi uuwi."
Subalit narinig ni Inay ang kanilang usapan at tumutol muli ito.
"Delikado baka ka gabihin. Mas makabubuti kung lingguhan ang uwi mo. Ako na ang bahala sa apo ko." (Itutuloy)