SUMUNOD na pasukan ay ipinagpatuloy ni Ate Mina ang pag-aaral niya ng Commerce sa Centro Escolar University. Determinado siyang makatapos. Humanga ako kay Ate nang sabihin niyang kahit ano raw ang mangyari, tatapusin niya ang kurso at nang makahanap din siya ng trabaho. Ayaw daw niyang maging katulad ng ibang babaing nag-asawa na kinalimutan na ang pag-aaral. Hindi raw siya nahihiya na may makaalam na may asawa na at isang anak.
"Kung dito ka na kaya sa ating bayan mag-transfer para hindi ka nahihirapan sa pagluwas sa Manila," sabi ni Rocky nang malapit na ang enrollment. Nag-isip si Ate. Para bang tama ang naisip ni Rocky.
"May magaling din namang university dito sa atin di ba? Para hindi na pati nawawalay sa iyo ang ating baby."
Narinig ni Inay ang pinag-uusapan ng dalawa at tinanong kung ano ang problema. Sinabi ang suhestiyon ni Rocky.
"Mas maganda ang eskuwelahan sa Manila kaysa rito," sabing mabilis ni Inay. Ang pagtutol ay naroon na kaagad.
"Para hindi na siya luluwas sa Manila tuwing Lunes Inay. Saka kawawa naman ang baby namin."
"Ang gusto ko ay sa Maynila siya magtatapos ng pag-aaral. Ako ang bahala sa apo ko."
Gusto pang tumutol ni Ate at Rocky subalit hindi nakapangyari.
Siguro'y iyon na talaga ang plano ni Inay. Sa Maynila patuloy na mag-aaral si Ate para magkasarilinan sila ng bayaw kong si Rocky. Ang takot ay tuluyang nagbangon sa aking pagkatao. Ayaw kong balikan ang tagpo pero naroon na naman. Ayaw mapawi ang malaswang tanawin sa himaymay ng aking utak. (Itutuloy)