ANG tinedyer na naging impormante nina Sapitula tungkol sa kaso ng pagpatay kina "Batman and Robin" ay isang Bisaya at nagbebenta ng mga sasabunging manok. Isa sa mga nabentahan niya ang grupo ng Bonnet Gang na yumari sa dalawang pulis ng holdapin ang F&A Money Changer sa Malate.
"Binunggo namon an duha nga pulis," sabing nagkukuwento ng tinedyer kina Sapitula, WPD Director Efren Fernandez at SPO2 "Pinong" de Castro.
"Anong ibig sabihin nun Bay?" tanong ni Sapitula.
"Sinagasaan daw nila ang dalawang pulis. Nagtatawanan pa sila Major habang nagkukuwentuhan. Para bang ang pagpatay nila ay karaniwan na lamang."
"Ano pang narinig mo?"
"Nang kumain sila sa kalapit na karinderya ay muli ko na namang narinig ang kanilang usapan. Paulit-ulit nilang pinagkukuwentuhan ang pagsagasa sa dalawang pulis. Hindi nila alam na pinakikinggan ko sila. Sa tingin ko mga halang ang kaluluwa nila."
"Anong itsura nila Bay?"
"Mga mukhang killer talaga," at nag-isip ang tinedyer. Inalala ang mga mukha ng miyembro ng Bonnet Gang. "Mga mukhang hindi sila pahuhuli ng buhay."
"Sa palagay mo anong edad sila?" tanong ni SPO2 de Castro.
"Mga mahigit treinta anyos siguro sila."
Itinuro ng tinedyer kung saang lugar makikita ang grupo.
Makaraang makakuha ng warrant of arrest, nagsagawa ng operasyon sina Sapitula at Supt. Laciste laban sa Bonnet Gang. (Itutuloy)