SA hangad na matulungan ang matatandang magulang sa problema, ang biglang naisip ni Sapitula na hingian ng tulong ay si Mr. Hayag na gumagawa ng Malagueña jeepney. Natatandaan niya ang huling sinabi ng mabait na may-ari ng Hayag Motors na kung mangangailangan siya ng tulong, huwag siyang mahihiyang lumapit. Nang oras ding iyon ay nagpasya siya na humingi ng tulong kay Mr. Hayag.
Isang linggo bago mag-Pasko ay nagtungo siya sa Cavite at hinanap ang planta ng Hayag Motors. Hindi niya kabisado ang lugar. Marami siyang napagtanungan bago natagpuan ang planta.
Isang tauhan ni Mr. Hayag ang sumalubong sa kanya sa gate at matapos magpakilala ay sinamahan na siya sa tanggapan ng matanda. Habang patungo sa opisina, ay nagdarasal si Sapitula na sanay matulungan siya ng matanda sa problema. Ang kanyang matatandang magulang ang naiisip niya.
Nakatawa si Mr. Hayag nang makita siya. Para bang hinihintay siya ng matanda dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya.
"O ano at bigla kang napasugod dito sa Cavite Tenyente?" tanong sa kanya.
"Mamamasko po Mr. Hayag," sabi niya subalit iyon ay pabiro.
"Ganoon ba? Sige, maupo ka diyan," at pagkuway tinawag ang isang tauhan, "Bigyan ng papasko si Tenyente, ang mabait at matulungin kong kaibigan."
"Naku nagbibiro lang ako Mr. Hayag. Hindi po ako namamasko."
"O e bakit ka narito?"
At hindi na nagpaliguy-ligoy pa si Sapitula. Sinabi na ang kanyang mga magulang ay nangangailangan ng jeepney na gagamiting panghakot ng prutas at gulay sa La Union subalit kulang ang pambiling pera.
Nakikinig si Mr. Hayag habang nagsasalita si Sapitula. Nang matapos ay nagtanong ang matanda.
"Magkano ang pera ng mga magulang mo Tenyente?"
"Fifty thousand lang po."
"Walang problema. Ibigay mo sa akin ang singkuwenta at kung anuman ang balanse, hulugan nyo sa halaga na inyong makakaya. Iyong hindi kayo mahihirapan sa paghuhulog."
Parang awit ng anghel ang narinig ni Sapitula. Masayang-masaya siya. Lutas ang problema ng mga magulang. Nagbunga ang kanyang kabutihang itinanim.
Isang bagumbagong jeepney ang iniuwi ni Sapitula sa La Union at hindi makapaniwala ang kanyang mga magulang. (Itutuloy)