NAGING maayos ang pagsuko ni Sgt. Omolio kay Lt. Sapitula noong Dec. 6, 1989. Masayang-masaya ang misis ni Omolio sapagkat hindi na magtatago sa batas ang kanyang asawa. Tinupad ni Sapitula ang lahat para makakuha ng amnestiya si Omolio.
Ang ginawa ni Sapitula sa maayos na pagsuko ni Omolio ay nagbigay-kinang sa kanya. Hinangaan siya ng mga opisyal ng Western Police District at ganoon din ng mga kapwa niya pulis. Gumawa siya ng pangalan sa pagkakataong iyon. Ang pagsukong iyon sa kanya ng rebeldeng sundalo ay isa sa mga dahilan kung bakit siya na-promote sa posisyon. Ipinakita niyang hindi lamang sa pakikipaglaban sa mga masasama siya eksperto kundi maging sa pagpapasuko ng mga naliligaw na landas na sundalo.
Nakabalik sa serbisyo si Sgt. Omolio at ngayoy matuwid na ang landas na tinatahak. Ang bangungot ng December 1989 coup ay unti-unti nang naglalaho sa kanyang isipan.
Hindi akalain ni Sapitula na sa taon ding iyon, isa pang kagila-gilalas na pangyayari ang susuungan niya. Sa pagkakataong iyon ang nakababatang kapatid naman ni Col. Gringo Honasan na si Alberto ang makasasagupa niya. Si Alberto Honasan ay wanted sa pagpatay kay Ramon Oroso ng Agoncillo St. Malate, Manila. Pagkaraang patayin si Oroso, hinostage ni Honasan ang mga nakatira sa 1126 Agoncillo St. (Itutuloy)