NAGKASUNDO sina Lt. Sapitula at Sgt. Omolio sa gagawing pagsuko. Noon ay Dec. 6, 1989. Gagawin ang pagsuko sa hotel na pinagtatrabahuhan ng misis ni Omolio.
Ang pakikipagnegosasyon kay Omolio ay sinabi naman ni Sapitula kay Maj. Rodolfo Rival, noon ay hepe ng MPSU. Ngunit hindi sinabi ni Sapitula kay Rival na susuko na ng araw na iyon si Omolio.
Dalawang pulis ang isinama ni Sapitula. Sinabi niya sa mga ito na isang sundalo ng marine ang kanilang susunduin.
"Magdala kayo ng "mahaba"," utos ni Sapitula. Hindi inaalis ni Sapitula na baka patibong lamang ang pagsuko ni Omolio at baka sa dakong huli ay magbago ng isipan at lumaban sa kanila. Mabuti na ang handa.
Si Sapitula at si Capt. Rival ang umakyat sa fourth floor para kausapin si Omolio. Maingat sila sa pagpasok sa kuwartong kinaroroonan ni Omolio. Ang asawa ni Omolio ang sumalubong sa kanila.
"Ipangako nyo na hindi makukulong ang asawa ko, Tenyente kapag sumuko sa inyo," sabi nito. Si Major Rival ay nagulat sapagkat hindi inaasahang susuko na pala si Omolio sa sandaling iyon. Sa pagkakataong iyon ay humanga na siya kay Sapitula.
Nagkaharap sina Sapitula at Omolio at naging maayos ang kanilang pag-uusap. Ipinangako ni Sapitula na makakukuha siya ng amnesty. Walang masamang mangyayari sa kanya.
Hindi na pinosasan ni Sapitula si Omolio nang bumaba sila sa hotel. Ang asawa ni Omolio ay masayang-masaya.
(Itutuloy)