DAHIL humina ang tahian ng mga magulang ni Sapitula, ang pag-aalaga nga ng mga baboy ang pinagtuunan ng pansin ng kanilang pamilya. Ang kanyang inang si Adeling ang naging masigasig sa pag-aalaga ng baboy at halos lahat sila ay tumutulong para maging matagumpay ang kanilang pagkakakitaan. Kung hindi nila gagawin iyon, malabo silang makapag-aral na magkakapatid. Ang pagtitiis at pagtitiyaga at pagtutulungan ang naging puhunan para dumami ang mga alagang baboy ng kanyang ina. Sa pag-aalaga ng baboy na iyon ng kanyang masikap na ina kaya sila nakapagtapos ng pag-aaral na magkakapatid. Pawang propesyunal silang limang magkakapatid. Naigapang sila ng kanilang masisipag at mababait na magulang sa pagpapatulo ng pawis.
Kapag binabalikan ni Sapitula ang mga mahihirap na tagpo ng kanilang buhay ay napapailing siya. Masarap alalahanin ang nakaraan. Ikinuwento ni Sapitula na sanay na sanay siyang mag-alaga ng baboy. Kabisado rin niya kung magkano ipagbibili ang mga alagang baboy na hindi na gumagamit ng timbangan. Ikinuwento nitong dinadangkal ng mamimili ang baboy at nagkakabayaran na. Kabisado rin niya kung saang parte hahawakan ang baboy kapag bubuhatin.
Hindi lamang ang tungkol sa pag-aalaga ng baboy ang dinaanang hirap ni Sapitula. Sinabi niyang pati ang pagsusupot ng uling ay kabisado rin niya. Ipagbibili nila ang uling sa Baguio. Kapag walang pasok sa school ay ang pagsusupot ng uling ang kanyang ginagawa. Sanay na sanay siya sa gawaing iyon.
Ipinagmamalaki ni Sapitula ang kanyang mga magulang na nagturo sa kanila na maging matiyaga at maging masinop at ang kahalagahan ng pagtitipid para may dukutin sa kinabukasan.
Ikinuwento ni Sapitula ang pamamaraan ng kanyang inang si Adeling kapag nag-ulam sila ng manok. Ang isang buong manok ay hahatiin ng kanyang ina. Ititinola ang kalahati at lalagyan ng maraming papaya. Saka hahatiin sa kanilang magkakapatid. Ang natirang kalahati ang babaunin nilang magkapatid sa school kinabukasan.
Sa ganoong aksiyon ng ina natutuhan nilang magsinop at pahalagahan ang bawat bagay. Hindi sila naging bulagsak sa buhay. (Itutuloy)