Kasaysayan ni Nelia ng HK: 'Nakita ang liwanag'

Katapusan
(Ang kasaysayang ito ay nangyari sa Riyadh, Saudi Arabia. - Editor)

KATULAD ni Vicky, nasumpungan ko ang liwanag sa center na aking binagsakan. Nakita ko ang mga pagkakamaling nagawa. Pinagsisihan ko iyon. Si Vicky ang umakay sa akin. Tama siya na binigyan pa kami ng pagkakataon para pagsisihan ang nagawa. Sa pagkakataong iyon ko naalala ang mga masasamang ugali na ipinakita ko sa aking asawa. Napag-isip-isip ko ang maling pakita sa kanya at walang katapusang pamimintas at pagparatang na walang pangarap sa buhay. Nagsisi ako sa mga nagawa at kasunod noon ay niyakap ang Diyos. Napaiyak ako sa muling pagyakap sa Diyos na matagal ko ring hindi naalala dahil sa pakikipagrelasyong bawal.

Si Vicky ang nagpayo sa akin na ipaalam ko sa aking asawa at mga anak ang nangyari. Sinulatan ko ang aking asawa at ipinaalam ko ang lahat. Habang ginagawa ko ang sulat ay tumutulo ang aking luha. Sabi ko’y patawarin nila ako sa aking nagawa. Maligayang-maligaya ako nang sumagot ang aking asawa. Pinatatawad ako. Naghihintay daw sila sa aking pagdating.

May dalawang linggo bago naaayos ang mga papeles at dokumento ko. Ang OWWA ang nag-ayos ng mga papeles at nabigyan na ako ng tiket pabalik ng Pilipinas.

Masaya ang pagkikita naming mag-anak. Malalaki na ang mga anak ko. Ang aking asawa’y malusog at matipuno ang pangangatawan sapagkat pumapasok na pala ito sa isang machine shop na rekomendado ng kanyang kumpare. May uugain doon kaysa mag-drive ng jeepney.

Naging maligaya kami. Ang mga masasaklap na pangyayari ay ibinaon na sa limot. Pinagsisihan ko nang labis ang pagkakamaling nagawa at nangako sa Diyos na hindi na mauulit ang masamang bangungot na ako rin naman ang gumawa.

Ilang taon ang nakalipas ay napagkasunduan naming mag-asawa na mamasukan akong DH sa Hong Kong. Balak naming kumuha ng house ang lot sa isang subdivison sa Cavite. Mga ilang taon lang ang aking bubunuin sa HK at tama nang pang-down sa house and lot at para makapag-ipon lang ng para sa pangkolehiyo ng dalawa naming anak.

Sana’y magbigay ng aral ang aking kasaysayan sa mga kababaihang nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Maraming salamat sa PSN ang nangungunang tabloid dito sa Hong Kong.
* * *
Abangan bukas ang kasaysayan ng isang police officer mula sa Western Police District.

Show comments