NAGSISI ako kung bakit naungkat pa kay Rashid ang pagkakaroon nang maraming
fulos (pera) ng kanyang
waled. Masusi niya akong tinanong kung bakit alam ko ang tungkol sa
fulos. Napag-isip ko na baka nagdududa si Rashid sa akin dahil sa nabanggit kong pera. Baka isiping may masama akong tangka sa kanila. Wala akong nagawa kundi sabihin ang totoo. Nakita kong binilang ng kanyang ama ang maraming pera sa salas. Ang hindi ko ipinagtapat ay ang pagkakita ko sa perang nagkakahalaga ng limang libong riyals na naiwan sa sopa (o ipinain sa akin) na pinag-interesan ko naman. Hindi ko sinabi na dahil sa perang iyon kung kaya ako tinakot ng kanyang hayok na ama at kinausap para pagparausan. Mananatiling sekreto ang mga nangyaring iyon.
Ang hindi ko inaasahan ay nang tanungin ako kung alam ko kung saan dinala ang perang nasa attache case,
"La," mariin kong sabi. Hindi ko alam. Totoo naman sapagkat habang nagbibilang ng pera si Mayman noon ay hindi ko na nasubaybayan kung saan niya dinala o tinago ang pera. Maaaring sa kuwarto nila.
"Mot, akked?" tanong ni Rashid. Totoo raw ba.
Tumango ako. Parang sa himig ay gustong makita ni Rashid ang attache case na kinalalagyan ng pera. Naisip ko, siguroy gustong nakawan ang ama dahil hindi na siya nito binibigyan ng ekstrang pera.
Nagsisi ako kung bakit pa naungkat kay Rashid ang tungkol sa pera. Baka maging mitsa pa nang bagong kaguluhan.
(Itutuloy)