HABANG umuorder ng aming pagkain si Vicky ay hindi ako mapakali sa pagkakaupo. Kung hindi ako magiging maingat sa pakikipag-usap kay Vicky ay baka madulas ako at malaman niya ang aking lihim dito sa Saudi Arabia. Si Vicky ay matagal ko na rin namang kakilala. May limang bahay lamang ang pagitan namin. Ang aming lugar ay pamayanan ng halu-halong mga tao na pawang dayo. May Tagalog, Bisaya, Bikolano at Ilokano. Ibat iba ang ugali. Kalabisan nang sabihin na maraming tsismoso at tsismosa sa aming lugar. Ang buhay nang may buhay ay nasasaliksik doon nang walang kahirap-hirap.
"Sinigang na talakitok ang inorder ko para sa yo Nelia," sabi ni Vicky at bahagya akong nagulat. Nakalagay ang mga pagkain sa isang malaking tray. Maraming pagkain sa kaunting halaga lamang. Ganoon sa Saudi Arabia. Ang 100 riyals ay marami nang pagkain.
"Atay at balunbalunan ang inorder ko. Sabik na kasi ako rito," sabi ni Vicky habang inaalis sa tray ang mga pagkain. Pinanonood ko lamang ang ginagawa niya.
"Eto nga palang sukli," sabi uli sa akin. Inabot ko ang sukli. Hindi pa naubos ang 100 riyals.
"Kain na," sabi ni Vicky at inabot sa akin ang kutsarat tinidor. Pinunasan ko ng tissue. Nakatingin sa akin si Vicky habang ginagawa iyon.
"May dagdag pa ang ulam natin. Kilala ko ang isang Pinoy na nasa counter. Me crush yata sa akin," at nagtawa-tawang malandi.
Nagsimula kaming kumain. Humigop ako ng sabaw ng sinigang na talakitok. Mainit at masarap. Humahagod sa lalamunan. Sa totoo lamang noon lamang uli ako nakakain ng sinigang na talakitok. Sinulyapan ko si Vicky, sarap na sarap din ito sa pagkain ng atay at balun-balunan.
"Saan ka ba nakatira rito?" tanong ni Vicky.
Hindi agad ako nakasagot. Kung sasabihin ko, baka magpumilit na sumama sa akin at mabisto ang aking lihim.
"Malayo rito. Alam mo, di ko alam ang ngalan ng lugar pero alam kong umuwi."
Napahagalpak ng tawa si Vicky.
"Paano kung mahuli ka ng motawa e di mo alam kung paano sasabihin ang lugar ng amo mo?"
"Hindi naman ako madalas lumabas e," sagot ko.
Saka ay napansin nito ang mga pinamili ko na nasa dalawang shopping bags.
"Ang dami mong binili. Sayo ba lahat yan?"
Hindi ako umimik. Ibig kong mainis kay Vicky. (Itutuloy)