MAY pagkakataong naiisip ko kung ano ba ang kulang sa aking buhay at nalulong ako sa masamang bisyo. Tinatanong ko sa aking sarili kung bakit hindi ko maiwasan ang droga at madali akong mahikayat na mahulog sa kumunoy. Buo naman ang aming pamilya at maluwag din naman ang aming buhay subalit bakit patuloy akong nagiging sugapa sa bawal na gamot. Ang alam ko, ang mga nagiging sugapa lamang sa droga ay ang mga may problema lamang sa kanilang pamilya. Iyon bang ang mga magulang ay kapwa busy sa mga career at ang kanilang mga anak ay pinababayaan lamang sa mga katulong. Iyon bang mga kabataang ang mga magulang ay walang pakialam sa isat isa at parang mga asot pusa kung mag-away at walang pagkakasundo. Ako? Buo naman ang pamilya ko at walang problema. Hindi ko alam kung bakit ako nalulong sa masamang bisyo at hindi na nga makaiwas.
Dahil sa pagkasugapa sa droga ay nawala lahat ang mga girlfriend ko. Sinubok kong makipagrelasyon muli subalit bigo na ako.
Last quarter ng 1991 ay naisip ko ang Diyos. Iyon ang unang pagkakataon na naisip ko ang Panginoon. Siya na yata ang hinahanap ko. (Itutuloy)