Kahit na naabot na ni Ka Asyong ang pangarap na makaahon sa kahirapan, ang kanyang pagiging mapagpakumbaba at pagiging matulungin ay hindi naman nawawala. Gaya nang mga nabanggit na sa mga naunang serye, hindi niya ikinalalaki ng ulo ang pag-angat sa buhay at siya pa rin ang Asyong noon na dating konduktor ng bus at karaniwang empleado. Siya pa rin ang dating Asyong na may takot sa Diyos at hindi ipinagyayabang kung anuman ang yaman na nasa kanyang palad.
Isa sa mga magandang sinabi ni Ka Asyong tungkol sa pag-angat ng buhay ng tao ay ito. "Hindi dapat ikalaki ng ulo ang mga tinatamasang yaman. Iyan ay palamuti lamang. Ang kayamanang nakuha dito sa lupa ay hindi maaaring dalhin sa langit."
At muling inulit ni Ka Asyong ang kanyang paniniwala na kung mayroon din lamang maitutulong sa mga kapuspalad na kapwa, ay gawin na. Maikli lamang aniya ang buhay ng tao. Hindi dapat magkait ng tulong kung makakaya rin lamang.
Gawin ang anumang nararapat. Babalik din naman aniya ito at maaaring doble pa o triple. Ang ugaling ito ni Ka Asyong ay nagpapatunay sa nakasaad sa Bibliya "Magtapon ka ng tinapay sa ibabaw ng tubig at ito ay babalik din sa iyo." Ganyan ang paniwala ni Ka Asyong. Noon pa siya nagtatapon ng tinapay at marami na ang bumalik sa kanya. Hindi lamang doble o triple.
Sa pagiging manager ng Bonifacio Construction Supply sa kasalukuyan, walang masabi ang kanyang mga tauhan kundi mabuting tao si Ka Asyong. Ilan sa kanyang mga tauhan ay sina Susan Salvacion, Marlene del Mundo, Jenny delos Santos, Rey Robles, Roberto Baldovino, Leonardo Gocotano, Joseph Limco, Rey Ramos, Mar Bacalla, Ben Costura, Jasmine Costura, Pepe Ocampo at Ernie "Barong" Sta. Cruz.
Lahat sila ay loyal kay Ka Asyong. Mahal nila si Ka Asyong na kung tawagin nila ay "Tatay" o simpleng "Tay".
Bumabalik ang mga tinapay na inihahagis sa tubig. Kung ano ipinakitang katapatan ni Ka Asyong sa mga employers niya noon ganoon din ang pakita sa kanya ngayon ng mga hinahawakan niyang tauhan. (Itutuloy)