DAHIL nga sa pagiging bukas-palad kaya namutiktik sa mga kaibigan si Ka Asyong. Karamihan sa kanyang mga nagiging kaibigan ay kinukuha pa siyang kumpare upang anilay mabuklod ang ka-nilang pagsasamahan. Marami ang may gustong maging ninong sa kasal si Ka Asyon.
Lumawak pa nga nang lumawak ang sirkulo ng mga kaibigan ni Ka Asyong at kakatwa na magpahanggang sa kasalukuyan ay marami ang dumadalaw sa kanyang tindahan para lamang makipagkuwentuhan sa kanya.
Isa sa mga kaibigan ni Ka Asyong na madalas dumalaw ay sina Lino Yu at si Atty. Severino Ramos. Si Ka Lino ay kumpare ni Ka Asyong. Inaanak ni Ka Asyong sa kasal ang isang anak ni Lino. Si Atty. Ramos naman ay matagal na ring kasama ni Ka Asyong. Halos magkasinggulang lamang sila marahil. Si Atty. Ramos ay secretary general nang inilunsad nila ang pagsasarili ng Novaliches noong 1994. Si Ka Asyong naman noon ang gumaganap na treasurer. Matibay ang pagkakaibigan nilang tatlo na kapag nagkaharap ay hindi maputul-putol ang pagkukuwentuhan. Madalas ngay sa tindahan pa sila ni Ka Asyong nagkukuwentuhan at kung minsay sa office nito.
Laging nasa schedule ang mga aktibidad ni Ka Asyong at pinipilit niyang sinusunod iyon. Para sa kanya ang tamang pagba-budget ng oras ay isa sa mga susi ng tagumpay ng tao. Ayon sa kanya, maraming nasasayang na oras ang tao at dapat na mapag-aralang gamitin ang mga ito kung nais na makamit ang pangarap. Ayon kay Ka Asyong, maraming libreng oras ang tao na maaaring gamitin para kumita ng perang pandagdag sa pangangailangan. Ang kaso, hindi ito naba-budget at nasasayang lamang.
Ginawa niyang halimbawa na noong siya ay isa pang empleado sa Jacinto Steel na paglabas niya ng alas-singko ng hapon ay ang kanyang mga alagang manok at baboy naman ang kanyang aasikasuhin. Tatlong oras pa ang kanyang nagagamit bago matulog. At sa tatlong oras na iyon ay kumikita siya at naisi-save sa banko ang pera. Dahil doon kaya siya nakaipon ng pera na ibinili naman niya ng ari-arian gaya ng lupa at iba pa.
Ang tamang pagba-budget ng oras ay mahalaga at dapat malaman ng lahat. Maraming pagkakataon na magagamit ang oras para maging kapaki-pakinabang, ayon kay Ka Asyong. (Itutuloy)