Kuwento ng tagumpay ni Ka Asyong (Ika-49 labas)

(Kasaysayan ni Ignacio S.Bonifacio ng Novaliches, Quezon City)

ANG pagkamatulungin ni Ka Asyong ay kakambal na niya. Palibhasa nga’y lumaki sa hirap kaya alam niya kung paano magdusa ang mahirap at kailangang tulungan sa abot ng makakaya. Kay Ka Asyong ang pagtulong at pagbibigay ay nasa puso. Sa kanya, para bang hindi na magiging kumpleto ang buhay kung hindi makagagawa ng kabutihan. Ang kanyang ugaling mapagbigay ay eksaktong nakasaad sa Kawikaan 22: 9 ng Bibliya. Sinasabi: "Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain at tiyak na ikaw ay pagpapalain." Totoo naman sapagkat patuloy ang pag-unlad ng kanyang buhay at ganoon din ang kanyang mga anak. Tinatamasa ang bunga ng pagiging matuwid at mapagbigay.

Dahil marami na ang kanyang natulungan naging dahilan ito para lalo pang dumami ang kanyang mga kaibigan. At marami ang tumatanaw ng utang na loob sa kanya dahil sa tulong na naibigay.

Isang hindi malilimutan ni Ka Asyong ay nang magkaroon siya ng "bato" sa bato (kidney) na naglagay sa kanya sa panganib. Maraming kaibigan niya ang gustong tumulong. Ang karamihan sa kagustuhang tumanaw ng utang na loob ay nagpapadala sa kanya ng buwig-buwig na buko. Ang sabaw ng buko ay pangtunaw umano ng bato sa kidney. At ang ganoong pagtanaw na utang na loob ay labis na ikinatutuwa ni Ka Asyong. (Itutuloy)

Show comments