HINDI humihinga si Ka Asyong habang nagsasalita si Don Jacinto. Katabi ni Don Jacinto ang anak nitong si Mary Rose. Si Don Jacinto ay matangkad na lalaki, guwapo at maputi. Kung magsalita ay mahinahon na nagpapakilalang mabuti at mabait na tao. Ang anak nitong si Mary Rose ay maganda at tulad ng ama ay mabait din. Laging nakangiti si Mary Rose.
Nag-good morning siya sa mga ito. Pinaupo siya ni Mary Rose.
"May mahalaga kaming sasabihin sayo Boni kaya ka namin ipinatawag," sabi ng matandang Jacinto.
"Ano po iyon Sir?" ang tinig ni Ka Asyong ay may kakambal na kaba gayunman ay nagpakatatag siya.
"Nalaman namin Boni na mayroon ka palang hardware store," sabi ng matanda na matiim ang pagkakatingin sa kanya. "Totoo nga ba?"
"Mayroon nga po Sir. Hindi pa po ako nagre-resign ay naitatag ko na iyon. Katunayan po e sa planta ninyo ako bumibili ng mga reject na GI sheets at bakal."
Napatangu-tango ang matanda. Para bang pinag-aaralan ang bawat sabihin ni Ka Asyong.
"Kumusta naman ang negosyo?" tanong muli nito.
"Maayos naman po, Sir."
Si Mary Rose naman ang nagsalita sa pagkakataong iyon at hindi pa rin nababawasan ang nararamdamang kaba ni Ka Asyong.
"Matagal na naming alam ang negosyo mo Boni at pinag-usapan namin ni Papa ang iyong kalagayan. Tutulungan ka namin..."
Parang may pumutok na kuwitis sa taynga ni Ka Asyong. Tutulungan siya ng mag-ama? Hindi siya makapaniwala. Pero nang magsalita muli si Mary Rose, alam niyang totoo na ang lahat at hindi siya binabangungot lamang.
"Para mapaunlad mo pa nang husto ang iyong hardware, pahihiramin ka namin ng lahat ng paninda na kailangan mo. Maaari kang kumuha ng mga kailangan mo sa planta bukas na buksa din. Kinausap na namin ang general manager. Pipirma ka lamang sa isang kasulatan."
"Paano ko po kayo babayaran?" tanong ni Ka Asyong.
"Bayaran mo sa kayang halaga ng hulog," sagot ni Mary Rose.
At ang hindi inaasahan ni Ka Asyong ay nang sabihin ni Don Jacinto na kaya siya tinulungan ay sapagkat mapagkakatiwalaan, masipag at matiyaga. Sinabi rin na sa halip na ang tulungan nila ay dayuhan ang kapwa Pinoy na ang kanilang susuportahan. Sino pa ba ang magtutulungan kundi ang magkakalahi.
Masayang-masaya si Ka Asyong. Habang bumababa sa hagdan ng building ay para siyang lumulutang sa matinding kasiyahan.
(Itutuloy)