Kuwento ng tagumpay ni Ka Asyong (Ika-39 labas)

(Kasaysayan ni Ignacio S. Bonifacio ng Novaliches,Quezon City)

TATLONG buwan na ngang resign sa Jacinto Steel si Ka Asyong nang may dumating sa kanyang telegrama na sinasabing gusto siyang makausap ng may-ari ng kompanyang dating pinagtatrabahuhan. Labis ang kanyang pagtataka at kinabahan sapagkat bakit pa siya ipatatawag ng matandang Jacinto gayong hindi na naman siya kunektado sa kompanya nito. Gayunman, kinabukasan ay maaga siyang gumising para magtungo sa FGR Building na nasa Makati. Ang totoo ay hindi siya gaanong nakatulog ng nagdaang gabi dahil sa pag-iisip kung bakit bigla siyang ipinatatawag.

Habang nasa bus ay iniisip iyon ni Ka Asyong. Baka kaya pinaghihinalaan siyang nagnanakaw ng mga materyales sa planta kaya nakapagtayo ng hardware store. Hindi inaalis ni Ka Asyong na baka may mga sipsip siyang kasamahan sa trabaho at siya ay sinisiraan sa mga Jacinto. Subalit kilala niya ang mga Jacinto na hindi basta naniniwala sa mga sumbong. At sa dakong huli, naisip ni Ka Asyong na malinis ang kanyang konsensiya at wala siyang nagagawang kasalanan sa mga Jacinto. Taas-noo siyang makahaharap sa mayamang may-ari.

Alas-diyes ang pakikipag-usap niya sa matanda, subalit alas-nuwebe pa lamang ay naroon na siya.

Ibinigay niya ang appointment sa sekretarya at pinaghintay siya sa labas. Eksaktong alas-diyes ay pinapasok na siya ng sekretarya sa opisina ni Don Jacinto. Kinakabahan pa rin si Ka Asyong.

Naratnan niya sa loob ang anak ni Don Jacinto na si Mary Rose. Nag-uusap ang mag-ama. Nag-alangan pa siyang pumasok.

Nag-good morning siya sa mga ito. Pinaupo siya ni Mary Rose.

"May mahalaga kaming sasabihin sa’yo Boni kaya ka namin ipinatawag," sabi ng matandang Jacinto na matiim ang pagkakatingin sa kanya.

Hindi naman humihinga si Ka Asyong. Boni kung tawagin siya ng pamilya Jacinto.

(Itutuloy)

Show comments