HINDI na lingid sa matandang may-ari ng Jacinto Steel ang kakaibang sipag at pagsisikap ni Ka Asyong. Hindi niya alam na sinusundan pala ng mabait na matanda ang mga kilos ni Ka Asyong.
Matagal ding naging enkargado ng mga lupain ng mga Jacinto si Ka Asyong at bukod tanging siya ang naging topnotcher sa pagpapabunga ng mangga. Napakaraming tiklis ng mangga ang naiintrega niya sa mga Jacinto bagay na nagdagdag para siya kagiliwan at lalo pang hangaan. Hindi nagpabaya minsan man si Ka Asyong sa pag-aalaga sa 12 ektaryang taniman ng mangga ng mga Jacinto at lubusan iyong napaunlad. May 400 puno ng manggang kalabaw ang matiyagang inalagaan ni Ka Asyong. Pinauusukan niya iyon araw-araw upang mamunga.
Dumating ang panahon at ang malawak na lupain ng mga Jacinto ay hinati-hati na para gawing mga subdibisyon at mga pabrika kaya ang lahat ng mga enkargado ay pinatawag ni Don Jacinto para bayaran sa kanilang pangangasiwa roon. Sa isang banko sa Escolta sila pinatawag lahat. Ang lahat ng mga enkargado ay masayang-masaya sapagkat malaking pera ang katumbas sa bawat ektaryang kanilang inalagaan.
Ang 12 ektarya na inaalagaan ni Ka Asyong ay nagkakahalaga ng P27,500. Bawat ektarya kasi ay nagkakahalaga ng P2,500. Napakalaki ng halagang iyon noong dekada 60. Maituturing na isang kayamanan sa karaniwang mamamayan na tulad ni Ka Asyong.
Subalit hindi kinuha ni Ka Asyong ang kanyang parteng pera. Sa halip ay idinonasyon niya iyon sa foundation ng mga Jacinto na tumutulong sa mga kapuspalad. Marami ang nagtawa kay Ka Asyong lalo pa ang mga kasamahang enkargado.
"Ang laki mong tanga Asyong. Bakit mo idinonasyon ang iyong pera? Sayang."
Hindi na lamang siya umimik sa mga puna sa kanya. Parang wala siyang narinig. Subalit sa isipan niya ay naroon ang kislap ng pag-asa at paniniguro na ang anumang ibinigay niya sa kawanggawa ay babalik din at baka doble-doble pa. (Itutuloy)