MAY awtoridad sa kilos at mahusay magpasunod sa kanyang mga tauhan si Ka Asyong. Nagbunga ang kanyang pag-aaral. Naitanim niya sa isipan ng mga tauhan na ang kanilang hanapbuhay ay nangangailangan ng puspusang pang-unawa at pag-intindi sa mga kustomer. Panatilihin ang pagngiti at pagiging masayahin na isa rin sa mga itinuturo ng mga sinaunang Intsik. Sabi nga sa kawikaan ng mga Intsik, kapag nagtayo raw ng isang tindahan, nararapat na ang nagtitinda ay laging nakangiti upang laging pumasok ang mga suki at bumalik muli. Ganyan sa katagalan ang nangyari kung kaya naman namayagpag ang negosyo ni Ka Asyong na ang pinagmulan ay isang maliit na puwesto lamang sa harapan ng Jacinto Steel na noon ay nasa Fairview. Ang lupang kinatitirikan ng tindahan ay pag-aari naman ng mayamang asindero na amo ng kanyang biyenan. Engkargado ang kanyang biyenan nang malawak na lupaing taniman ng mga mangga.
Nagtatrabaho pa siya noon sa Jacinto bilang crane operator nang simulan ang maliit na negosyo ng construction supply. Sa Jacinto mismo siya namimili ng mga reject na yero (GI sheets) at mga bakal. Pakonti-konti lamang iyon sa simula. Hanggang sa magpasya siyang ilipat ang maliit na tindahan sa Novaliches Plaza at doon nagsimula ang pag-unlad. Magkatulong silang mag-asawa sa pangangasiwa ng business. Nagkaroon na siya ng ilang tauhan. Patuloy pa rin naman ang kanyang pagtatrabaho sa Jacinto.
Maraming kinalimutan si Ka Asyong nang tahakin na ang negosyo at isa rito ay ang bisyong paninigarilyo. Bukod sa panganib sa kanyang kalusugan, gastos lamang ang paninigarilyo na umaagaw pa sa kita.
Ikinuwento ni Ka Asyong na hindi siya makatulog ng gabing iyon sapagkat inatake siya ng pag-ubo na sanhi ng paninigarilyo. Nanalangin siya sa Diyos na patigilin ang kanyang pag-ubo upang makatulog kahit na kaunti. Ipinangakong mataimtim na sa kinabukasan ay hindi na maninigarilyo.
Tumigil ang kanyang pag-ubo at siya ay mahimbing na nakatulog.
(Itutuloy)