MAY tatlong butas ang bituka ni Ka Asyong. Iyon ang kinalabasan ng pagsusuring ginawa sa kanya sa Novaliches General Hospital. Isang magaling na doktor na nagngangalang Dr. Francisco Tan Sr. ang nagsagawa ng pagsusuri sa kanya. Si Dr. Tan ay resident physican din sa Chinese General Hospital. Inobserbahan si Ka Asyong sa loob ng limang araw at sinalinan ng dugo. Ayon sa kanya may pitong bag ng dugo ang naisalin sa kanya. Marami umanong dugo ang nawala sa kanya bunga ng bleeding. Sinabi umano sa kanya ni Dr. Tan: "Ooperahan kita sa ikalimang araw. Malubha ang tatlong butas na nasa iyong bituka."
Hindi makapaniwala si Ka Asyong kung bakit siya nagkaroon ng tatlong butas sa bituka. Ayon sa doktor hindi naman iyon ulcer.
Dumaan pa siya sa maraming pagsusuri. Ayon sa kanya ay ni-labatiba pa siya upang matiyak ang kalagayan ng kanyang bituka. Talagang ang operasyon na lamang ang paraan upang hindi na mapinsala ang iba pang bituka. Kailangang alisin ang bahaging may pinsala.
"May 12 inches ang mapuputol sa bituka mo Mr. Bonifacio," sabi sa kanya ni Dr. Tan.
"Sige Doktor kung iyan po ang makabubuti sa akin," sagot umano ni Ka Asyong.
Inihanda ni Ka Asyong ang sarili. Sa loob ng sunud-sunod na tatlong araw ay walang ginawa si Ka Asyong kundi ang manalangin. Humingi siya ng awa sa Diyos. Muli rin naman siyang humingi ng tulong sa mga kaluluwa o espiritu ng yumaong ama at mga kamag-anak. Ganito umano ang sinabi ni Ka Asyong: "Sa lahat ng mga espiritu na nagmamahal sa akin, lalo na ang sa aking ama, halina kayo at ako ay tulungan." Taimtim na taimtim si Ka Asyong sa kahilingan. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos.
Ikaapat na araw ay muling sumailalim si Ka Asyong sa pagsusuri. Dumaan siya sa x-ray.
Kinahapunan ay lumabas ang resulta at si Dr. Tan pa mismo ang nagsabi sa kanya. Nakangiti si Dr. Tan. "Hindi ka na ooperahan Mr. Bonifacio. Magaling na ang sugat sa iyong bituka."(Itutuloy)