Istrikto ang ama ni Paulina. Pero ang problemang iyon ay hindi naging hadlang para kay Ka Asyong na masungkit ang "oo" ng dalaga. Kung ang mahihirap na sandali sa pakikipagsapalaran sa mga mapanakop na Hapones noong World War II ay nalampasan niya, ang pakikipagsapalaran pa kaya para matamo ang pag-ibig ng isang minamahal.
Hindi siya tumigil sa kabila na mahigpit ang ama ni Paulina na isa palang enkargado ng Hacienda Rosario na pag-aari ng isang mayamang pamilya sa Bgy. Pasong Putik. Malayo ang bahay nina Paulina, na ayon kay Ka Asyong ay maituturing na bundok na. Malapit na aniya ito sa La Mesa Dam. Nang mga panahong iyon ay hindi pa gaanong develop ang lugar ng Fairview, Lagro at mga karatig pook. Wala pang gaanong nabubuksang kalsada at kung mayroon man, iyon ay mga lubak-lubak na kalsada o mga rough roads at ang tanging nagbibiyahe ay ang Halili Transit na patungong San Jose del Monte. hanggang alas-kuwatro ng hapon lamang ang biyahe.
Subalit dahil nga matiyaga at sadyang tapat sa hangarin kay Paulina, hindi ininda ni Ka Asyong ang hirap na daranasin sa pagtungo roon. Mula sa Novaliches Plaza ay lalakarin na lamang ni Ka Asyong ang patungo sa Pasong Putik na may apat na kilometro ang layo. Ang dinadaanan niyay napapaligiran ng kogon at makakapal na damo patungo sa bahay nina Paulina.
Mahirap lamang sina Paulina, ayon kay Ka Asyong. Isang maliit na kubo ang tirahan subalit iyon ay masinop at malinis. Nakatirik iyon sa bahaging bulubundukin ng La Mesa Dam. Sampung magkakapatid sina Paulina ayon kay Ka Asyong walo ang babae at dalawa ang lalaki.
Unang pagkakita pa lamang ni Ka Asyong sa ama ni Paulina ay kinabahan siya. Sa tipo ay talagang istrikto na ito na agad naman niyang binibigyang katwiran sapagkat walong magagandang babae ang anak.
Tinanggap si Ka Asyong sa tahanan. Inistima ni Paulina subalit nakamasid ang ama habang sila ay nag-uusap sa salas. Nasa balkonahe ito ng bahay at nakikiramdam.
Nang mag-alas-siyete ng gabi ay nagsimula nang magparinig ang ama ni Paulina. "Ang liwanag naman ng buwan. Umaga na siguro."
Sapat iyon upang maintindihan ni Ka Asyong na dapat nang magpaalam kahit na maaga pa ang gabi. (Itutuloy)