"FI amanelah!" sabi ni Aziza sa akin pagkatapos tumingin sa labas. Marahang kumilos palabas. Hinalikan ako sa labi. Padampi. Mabango pa rin ang kanyang hininga. Malambot ang mga labi kahit nasalaula kanina. Nakadama ako ng konsensiya sapagkat nadungisan ko ang kabirhenan ng kanyang mga labi kahit siya ang may kagustuhan niyon.
"Ela leqa?" tanong ko. Kung magkikita kaming muli. Ang pagsusumamo ay nasa aking tinig.
"Asoruro li," (Nasiyahan ka?")
"Na-am." (Oo.)
"Wa ana kazalek." (Ako rin.)
Sinunggaban ko muli ang kanyang labi at siniil ko ng halik. Nang maghiwalay ay kapwa kami humihingal. Kumalas na siya ng tuluyan. Ibinukas ko ang pintuan ng Suburvan at pagkatapos matiyak na walang tao sa paligid ay lumabas nang marahan at maingat.
Hindi ako humihinga habang hinahabol ng tingin ang palayong si Aziza. Mabilis itong nakalapit sa nagliliwanag na bahay at nasundan ko pa ng tingin nang pumasok sa gate ng bahay. Natiyak kong walang nakakita kay Aziza. Tagumpay! Yoram, sabi nga ni Aziza. Ayos!
Hindi ko alam kung paano nagawa ni Aziza na makalabas ng bahay. Gaya ng nasabi ko na, kahit matagal na akong naghahatid sa mag-anak sa mga okasyong tulad ng kasalan, hindi ko naman alam kung ano ang nangyayari sa loob. Wala akong ideya kung paano ginaganap ang kasalan kanina at kung bakit nakapuslit si Aziza.
Noon ko nalaman na sadyang kakaiba nga kung gumawa ng paraan ang mga babae kung may kinalaman sa pakikipagtagpo sa kanilang iniibig. Mas matapang. Nakita ko na ang ugaling ganyan kina Tet at Ellie. Kapag ginusto nila e mangyayari. Sila ang gumawa ng paraan kung paano kami nagkaroon ng relasyon. Ngayoy si Aziza naman ang nakikitaan ko ng kakaibang pamamaraan.
Siguroy sinamantala ni Aziza kanina na busy ang waled at waledah niya sa pakikipagkuwentuhan sa mga kamag-anak at kaibigang dumalo rin sa kasal. Sa palagay ko, ipinlano na niya ang pagtalilis sa bahay sapagkat kabisado niya ang mga gagawin at pati pag-alis ay parang eksaktong-eksakto na parang walang anuman ang nangyari. (Itutuloy)