Natapos ang mahabang school break nina Aziza. Nabuhayan ako ng loob sapagkat maaari na kaming magkausap kahit na pasimple. Sa Saudi kasi ay bawal kausapin sa publiko ang babae lalo na kung katulad kong dayuhan. Wala akong karapatan. Ipinlano ko ang mga gagawin upang sa simpleng pakikipag-usap ay malaman ni Aziza na masyadong naghihirap ang aking loob dahil sa nangyari sa amin. Itatanong ko kung ano ang gusto niyang mangyari. Ganoon lamang. Kailangang malaman niya kung ano ang nadarama ko.
Subalit marami palang pagbabago sa pagkakataong iyon. Nang muling magbukas ang klase ay kasabay na rin sa kotse para pumasok sa opisina si Mam Noor. Dati kasi ihahatid ko muna sina Aziza sa school at saka ko pa lamang babalikan sina Sir at Mam para ihatid sa office ng mga ito. Sira ang plano kong pakikipag-usap kay Aziza. Sa hapon naman kapag susunduin sa school si Aziza ay ganoon din sapagkat sabay silang mag-ina. Walang pagkakataon para kami magkausap. At iyon ay lalo pang nagpahirap sa akin. Hindi ko nga alam kung gusto pa ni Aziza na ituloy ang aming nasimulan. Baka sa pabagu-bagong takbo ng kanyang isipan ay mawala na ang mga nangyari. May naranasan na naman siya at baka tama na sa kanya ang mga iyon. May nasagot na rin naman sa mga palaisipang nagpahirap sa kanya. Kahit bahagyang tikim, nakaranas na rin naman siya. Pero sa akin, halos maloko na ako sa kaiisip sa mga nangyari sa amin.
Nagkaroon ako ng pagkakataon na magkausap kami ni Aziza nang isang umaga ay hindi sumabay sa amin si Mam Noor. Nahihilo raw kaya balikan ko na lamang sa bahay. Ayos!
Sinamantala ko ang pagkakataon. Nang bumaba ang mga kapatid ni Aziza ay maagap ako. Bago ito nakababa sa kotse ay tinanong ko.
"Aziza, lam araka monzo waqten tawil," (Matagal na tayong hindi nagkikita.)
Tumigil si Aziza. Tumingin sa mga kapatid na nasa labas. Kunwariy may dinampot sa loob ng kotse at saka ako sinagot. Mahina lamang.
"Elaleqa," (Magkita tayong muli.)
"Mata?" (Kailan?)
Hindi na niya sinagot sapagkat nakatingin na ang kapatid na si Muhammad at wariy naghihinala.
Walang katiyakan. Pero masaya na ako sa pagkakasabi na magkikita kaming muli. (Itutuloy)