HINDI namin inaalis sa isip, kahit na safe sa kinaroroonan naming "motel" na baka may magsuplong sa amin ni Ellie. Sa Saudi ay maraming kababayang naghu-hudas kapalit ng riyals. Hindi lamang sa Al-Khobar nangyayari ang paghu-hudas kundi saan mang lugar sa Saudi na maraming Pinoy. Lalo kaming kinabahan nang mabalita na isang Pinay daw ang nahuli ng motawa habang nakikipag-lovemaking sa isang Pakistani. Ang masaklap, wala naman talagang relasyon ang Pinay sa Pakistani. Nagsa-"sideline" lamang umano ang Pinay. Hindi malaman kung sino ang nagsuplong sa dalawa.
Sabagay ang bagay na iyon ay nasabi na sa amin ni Boni. Marami nga raw "hudas" at huwag ding masyadong magtitiwala. Pero iyon daw ay mabibilang sa daliri. Ang inirekomenda raw niya sa aming mag-asawang operator ng "motel" ay mapagkakatiwalaan. Hindi raw ito tulad ng iba na sa kagustuhang magkaroon ng malaking pera ay ipahahamak ang kababayan. Nakasisiguro raw kami sa nirekomenda niya. Ganoon pa man, naging matalas din ang pakiramdam namin ni Ellie. Kahit na lagi kaming sabik sa isat isa ay nangingibabaw din ang pangamba. Alerto kaming lagi kahit na sa kasarapan ang pagsasalo sa pagkaing bawal.
Lalo na kaming naging maingat at ipinasyang magbago ng lugar nang magkaroon ng raid sa katabing villa, halos katabi lamang ng aming "motel". Isang grupo ng mga Pinoy ang nahuling umiinom ng sadiki. Ang nag-tip sa mga motawa ay mga itik (tawag sa mga Indiyano). Nasorpresa ang mga Pinoy at walang nakapalag nang katukin ng mga mababalasik na motawa. Mula noon, naging mainit na ang lugar na iyon. Lagi na umanong minamanmanan at kumalat ang balitang pati mga katabing villa ay hahalughugin ng mga motawa. Noon nga namin naisipang magbago ng lugar.
Hanggang sa dakong huli, naisipan namin ni Ellie na huwag na lamang lumabas ng bahay para lamang magsalo sa pagkaing bawal. Mas safe pa sa aking kuwarto.
"Mas nakasisiguro tayo rito. Baka sa kasarapan nang pag-aano natin ay may nakapasok na palang motawa e hindi natin nalalaman," sabi ko.
"Kung bakit kasi mas masarap sa ibang bahay mag-ano," sabing nakatawa ni Ellie.
(Itutuloy)