Tinanong ko kay Boni kung ano ang mga kailangan para magkaroon kami ng marriage contract ni Ellie. Isinulat nito sa isang kapirasong papel. Kailangan daw ay walang pagkakamali sa pangalan o petsa ng kapanganakan. Pagkaraay umalis na si Boni at sinabing babalik kinabukasan para kunin ang mga ipinahahandang dokumento sa akin. Ihanda ko na rin daw ang pera. Sa loob-loob koy negosyante talaga si Boni. Sanay na sanay nang humanap ng pagkakakitaan kahit na sa bansang mahigpit gaya ng Saudi Arabia.
Sinabi ko agad kay Ellie ang napag-usapan namin ni Boni. Halata sa ekspresyon ng mukha ang kasiyahan na maaari na kaming "magpakasal".
"One thousand two hundred riyals daw ang bayad," sabi kong may ibig ipahiwatig na hindi ako kundi siya ang magbabayad.
"Tumaas na pala. Isang libo lang noon ang pagkakaalam ko noon sa Jeddah."
"Noon daw yun noong hindi pa nagkaka-giyera."
"Mabilis lang daw bang matapos?"
"One week lang daw," sagot ko at dineretsa ko siya na wala akong perang pambayad sa marriage contract.
"Di ba ako naman talaga ang magbabayad. Ako lang naman ang nagmamahal sa iyo at napipilitan ka lang."
"Hindi sa ganoon. Alalahanin mo rin naman na bawal ang gagawin natin."
Hindi na ito umimik. Kumalas sa pagkakayakap. Ibinaling ang katawan sa may pintuan. Nagpakita ng pagtatampo. Sinuyo ko. Sorry. Ewan ko ba kung bakit kaunting tampo ni Ellie ay natutuliro na ako. Hindi naman ako ganito dati. Para bang ayaw ko na siyang masaktan. Madali ko siyang nasuyo sa pagtatampo. Noon din ay ibinigay niya ang pera para sa marriage contract at ang iba pang kailangan sa pagpapagawa niyon.
Kinabukasan ay bumalik si Boni. Ibinigay ko ang mga kailangan para sa pagpapagawa ng "marriage contract". Binayaran ko. Sabi ko kapag natapos na ang marriage contract saka ko ibibigay ang pang-tsaay niya. Areglado sabi ni Boni.
Eksaktong isang linggo ay dumating si Boni. Iniabot sa akin ang marriage contract na nasa malapad na envelope. Sa loob ko na raw buklatin. Iniabot ko sa kanya ang pang-tsaay: two hundred riyals. Sobra-sobra ang pasasalamat ni Boni at umalis na.
Ang marriage contract ay animoy totoong-totoo. May seal pa ng embassy at may pirma ng ambassador. May Arabic translation pa. Kung totoong iyon nga ang pirma ng ambassador ay hindi ko alam. Basta ang alam ko, may marriage contratc na kami ni Ellie at maaari na kaming lumabas ng bahay na magkasama kahit saan namin magustuhan. (Itutuloy)