MINABUTI ko nang huwag paalalahanan si Aziza tungkol sa pagpunta niya sa kuwarto. Baka masama ang isipin ng dalaginding. Siyempre, tauhan lamang ako ng kanyang ama at kahit na ano ang gawin niya ay maaari. Hindi ko siya maaaring pagbawalan sa pagpunta sa kuwarto sapagkat ang tirahan ko ay pag-aari pa rin nila. Isa pa ngay ako ang maaapektuhan kung hindi siya pupunta. Mahirap para sa akin ang ganoong kalagayan. At saka nakikipagkaibigan lamang naman ang dalaginding. Walang masama sa pagpunta niya.
Hindi na katulad noon ang ugali ni Aziza na kung ano ang magustuhang halungkatin sa kuwarto ko ay ginagawa. Malaki na ang ipinagbago sapagkat humihingi ng permiso. Napagtuunan ng pansin ang mga nakatambak kong VHS tapes. Bakit daw napakarami niyon? Saan daw galing. Kinabahan ako sapagkat sa tambak ng mga tapes ay may mga pelikulang bold. Baka pakialamang tingnan.
Mabuti at hindi ganoon ang ginawa. Ang nasa ibabaw lamang ang dinampot. Isang pelikulang Tagalog. Iniabot sa akin at inutusan akong isalang iyon. Sinunod ko. Habang ginagawa ko iyon ay nakatingin si Aziza sa iba ko pang mga gamit. Nagtataka marahil kung bakit marami akong gamit e iisa lang naman ako sa kuwarto. May refrigerator kasi ako roon, electric fan, plantsa, at kung anu-ano pa.
Natapos kong isalang ang tape at pinanood ni Aziza. Ang pelikula ay Tagalog. Ano raw ba iyon? Sabi koy pelikula ng sikat na artista sa Philippines. Drama. Napahagikgik. Hindi maintindihan. Hindi na ako magtataka sapagkat ang mga Saudi ay mahilig sa mga panooring musikal. Mas type nila ang mga nagkakantahan at nagsasayawan.
Ipinatigil sa akin ang pelikula.
"Mafi kuwais?" tanong ko kay Aziza. Hindi maganda?
"Na-am. La ba-as." Di raw maganda.
Dinukwang naman nito ang album ng retrato na nakapatong malapit sa TV. Binuklat. Nakita ang picture naming mag-anak. Tinanong kung sino ang mga kasama ko. Sabi koy asawa at anak. Binuklat nang binuklat at walang tigil sa katatanong.
Hanggang sa makarinig kami ng mahihinang katok sa pinto. Kinabahan ako. Baka dumating na sina Sir. Nagmamadali akong sumilip sa maliit na butas sa pinto. Si Ellie ang aking nakita.(Itutuloy)