Iisa ang aking naisip sa pamamaalam ni Aziza sa kamusmusan, hindi na siya makalalapit sa akin. Ang mga nakasanayan niyang pagpunta sa kuwarto ko para makipaglaro o kalikutin ang aking mga gamit ay hindi na niya maaaring gawin. Alam kong namulat na siya na hindi na maaaring makipaglapit sa lalaki lalo na sa katulad kong hindi nila kalahi. Sa pagbabagong iyon sa kanyang katawan alam ko ring magkakaroon na siya ng kamulatan na hindi nga dapat makipaglapit sa akin. Haram na iyon, na ang ibig sabihiy mahigpit nang ipinagbabawal.
Si likuran ng kotse nakaupo si Aziza kasama ang dalawa pang kapatid. Walang kaimik-imik si Aziza hindi katulad noon na habang akoy nagmamaneho ay halos sabunutan ako kapag kinokontra ko ang mga sinasabi. Halos sakalin ako kapag may gustong sabihin na hindi ko naman maintindihan. Malaking pagbabago ang naobserbahan ko at hindi ako sanay na hindi ito nagsasalita. Para bang tuod na nakaupo sa likuran si Aziza. Alam ko, nakatingin siya sa akin kahit na natatakpan ng abaya ang bahagi ng kanyang mga mata. Manipis ang abaya at ang lahat ay kanyang nakikita. Gusto ko siyang kausapin subalit pinigil ko ang aking damdamin.
Ang eskuwelahan ng mga babae ay may labinlimang minutong takbuhin ng kotse mula sa bahay. Magkahiwalay ang pinag-aaralan ng dalawang kapatid ni Aziza. Una kong ihahatid ang dalawa niyang kapatid at saka ko naman dadalhin sa school niya si Aziza.
Hanggang sa gate lamang ang mga naghahatid na sasakyan. Nasilip ko na pawang mga babae lamang ang nag-aaral doon. Sa Saudi ay nakahiwalay ang mga babae sa lalaki.
Dati-rati hindi na ako bumababa para pagbuksan ng pintuan ng kotse si Aziza subalit ngayoy kaiba na. Hindi na bata si Aziza at dapat ko na siyang tingnan bilang isa sa aking mga amo. Bumaba ako at pinagbuksan ng pintuan si Aziza. Halos ay ayaw ko siyang tingnan habang bumababa. Para bang nailang ako. Mabilis na nakababa si Aziza at nagmamadaling umalis na para bang takot na takot.
Palihim kong hinabol ng tingin si Aziza nang naglalakad patungo sa gate ng school. Binawi ko lamang ang pagkakatingin ng isang motawa ang makita kong naglalakad at patungo sa aking kinaroroonan. (Itutuloy)