Yapak sa bubog (Ika-3 labas)

Ang kaanyuan ni Tet kahit na nakabalot ng abaya (tradisyunal na damit ng mga Araba) ay hindi nakaligtas sa animo’y x-ray na aking mga mata. Pero iyon ay agad kong binawi. Matindi ang aking pangako sa sarili. Tama na ang kahiligan sa "laman". Isa pa’y mayroon din akong ipinangako sa aking asawang naiwan sa Pilipinas. Good boy na ako. Bistado ng aking asawa ang pagiging mapaglaro ko sa babae. Nang umalis ako sa Pilipinas, sinabi ko kay Misis na hindi na ako titikim ng iba pang "karne". Tuparin ko raw ang pangako ko.

Mabait ang aking among si Ibrahim Al-Ghamdi. Bagamat hindi maayos mag-Ingles ay madali ko namang nakukuha ang kanyang mga ipinag-uutos. Hindi naman sa pagmamayabang kahit na high school lamang ang aking natapos ay marunong din naman akong umintindi at magsalita ng Ingles. Kaya madali kaming magkaintindihan ni Sir Al-Ghamdi. Kung minsan, kinakausap niya ako ng Arabic at tila nalilimutan yatang bago pa lamang ako sa Saudi Arabia.

"Nazhab ela suq,"
sabi nito sa akin minsang isang umaga ng Biyernes.

Napakamot ako sa ulo. Hindi ko alam ang ibig sabihin. Saka nagtawa si Sir Al-Ghamdi. Naalalang hindi pala ako marunong magsalita ng Arabic. Saka sinabi sa Ingles ang kahulugan niyon. Pupunta pala kami sa palengke para mamili.

Ipinayo sa akin ni Sir Al-Ghamdi na magpaturo ako ng Arabic kay Tet sa mga oras na walang ginagawa. Mahusay na mahusay raw si Tet sa pagsasalita ng Arabic. Isa iyon sa magandang ugali ng aking amo. Hindi mahigpit sa kanyang tauhan. Nagpaturo nga ako kay Tet sa mga oras na walang ginagawa. Hanggang sa unti-unti ay natuto ako ng Arabic. Malaki ang naging tulong ni Tet sa madali kong pagkakaintindi ng Arabic. Una kong natutuhan ang pagbibilang.

"Wahed, Ethnan, Thalath, Arba, Khams, Set, Sab, Thaman, Tes, Ashr,"
sabi ko habang kaharap si Tet.

"Galing!" sabi ni Tet. "Madali kang matuto."

Ang mga sinabi ko ang katumbas sa Tagalog ng isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu."

"Kanino ka ba natuto ng Arabic?" tanong ko kay Tet.

"Sa mga anak nina Sir. Habang nag-uusap sila e nakikinig ako. Sa tagal ko na rito e natuto ako."

Itinanong ko kung mabait ang mga anak nina Sir.

"Mababait. Kaya lang itong si Aziza e nahahalata kong may pagkalandi."

(Itutuloy)

Show comments